top of page

Kulugo, dumadami na nakakahawa pa

  • Dr. Shane Ludovice, M.D.
  • Sep 25, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Nagkaroon ako ng kulugo sa daliri at parang lumalaki ito. Minsan, ginugupit ko ng nail cutter, pero bumabalik pa rin. Meron pa bang puwedeng gawin para mawala ito? — Diego

Sagot

Ang kulugo o warts ay ang maliliit na bukol na tumutubo sa balat na dulot ng impeksiyon ng Human Papillomavirus (HPV). Ang pagkakaroon ng kulugo ay nakahahawa, pero ang kulugo sa balat ay hindi dapat ikalito sa kulugo sa ari (genital warts) na isang uri ng sexually transmitted disease o STD.

Nakukuha ang virus kapag nadikit ang balat sa bahagi ng katawan na may kulugo. Halimbawa, pakikipagkamay sa taong may kulugo, gayundin maaari itong makuha sa mga bagay na kontaminado ng virus tulad ng keyboard, doorknob o tuwalya na ginamit ng taong may kulugo.

Ang virus ay maaaring magdulot ng impeksiyon kapag nakapasok ito sa balat na may sugat.

Narito ang iba’t ibang uri ng kulugo, depende sa hitsura at bahagi ng pinagtubuan nito:

  • Verruca vulgaris o common hand wart. Ito ang kulugo na tumutubo sa mga kamay at iba pang bahagi nito.

  • Verruca plantaris o foot wart. Ito ang kulugo na tumutubo sa mga paa at iba pang bahagi nito.

  • Verruca planao flat wart. Ito ay madalas makita sa leeg, mukha at iba pang bahagi nito.

Ano ang gamot sa kulugo o warts?

Ang kulugo ay kusang nawawala matapos ang isa o dalawang taon ng pag­kakaroon nito, pero maaari itong tanggalin sa pamamagitan ng ilang gamot tulad ng salicylic acid. Mayroon ding ilang pamamaraan na isinasagawa para tanggalin ito tulad ng laser o spray na nagpapayelo sa kulugo.

Ligtas bang tanggalin ang kulugo sa balat?

Ang pagtatanggal sa kulugo ay ligtas na paraan. Dapat lamang tiyaking matatanggal ang lahat ng bahagi nito para hindi na bumalik. Tandaan, na ang kulugo ay may kakayahang dumami, lalo na kapag napabayaan.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page