Organized bus route system kontra trapik, ibalik!
- Ryan B. Sison
- Sep 24, 2019
- 2 min read

Marami nang naisip na solusyon sa trapik at may ilan nang sinubukan pero, wa’ epek dahil hanggang ngayon, ito pa rin ang problema ng mga komyuter.
Kaugnay nito, isinusulong ang muling pagbuhay sa organized bus route system (OBR) para maresolba ang problema sa trapiko sa bansa, partikular na sa EDSA.
Ayon kay dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair at ngayon ay Marikina Rep. Bayani Fernando, mabuting balikan at pag-aralan ang mga dating programa ng ahensiya upang makahanap ng angkop na estratehiya sa problema sa trapiko.
Aniya, hindi ito ikalulugi ng mga bus operator dahil ang kikitain ng mga ito sa limang biyahe ay puwedeng kitain sa apat na biyahe lang kung punuan ang bus.
Samantala, sa ilalim ng OBR, hindi maaaring magbaba at magsakay ang mga bus sa lahat ng nais nitong hintuan.
Ang mga Bus A at B ay maaaring huminto sa piling bus stop at ang provincial buses ay hindi puwedeng huminto para magsakay at magbaba. At dahil kontrolado ng MMDA ang paglabas ng mga bus, sigurado umanong puno ang mga ito.
Gayunman, aminado ang dating MMDA chair na nawalan ng bisa ang sistema dahil aniya, natutunan ng mga tsuper na maglagay o manuhol sa mga tauhan ng MMDA na nagbabantay upang makahinto kahit hindi bus stop.
Dagdag pa ng kongresista, dapat lagyan ng digital camera at radio-frequency identification system ang mga bus para matukoy ang lokasyon kontra sa mga nagka-cutting trip o hindi nagpupunta sa bus station.
MMDA ang magkokontrol ng mga bibiyaheng mga bus depende sa dami ng mga pasahero sa EDSA para hindi magbabad ang mga ito sa lansangan, lalo na sa mga oras na kaunti lang ang pasahero.
Kung gumana ang sistemang ito noon, bakit hindi natin subukan ngayon? Sa totoo lang, ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno ay magiging matagumpay kung lahat ay mananatiling disiplinado mula sa komyuter, motorista at traffic enforcers.
At kapag may mga pasaway, turuan ng leksiyon at huwag kunsintehin. Ang problema sa ilang enforcers, kaunting bola at pangmeryenda lang, solb na.
Matagal nang problema ang trapik at iisa lang ang gusto nating lahat — ang maresolba ito.
Kaya panawagan sa gobyerno at mamamayan, magtulungan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments