ROS, hindi pinabiyahe ang Dyip; SMB, 4th place sa Terrific 12
- BULGAR

- Sep 23, 2019
- 2 min read

Nakabangon agad mula sa pagkakadapa ang Rain or Shine Elasto Painters matapos nilang pigilin ang matikas na laro ng Columbian Dyip, 96-90 kagabi sa 2019 PBA Governors’ Cup sa Araneta Coliseum.
Kumayod si Reinforcement Joel Wright ng 30 points at 10 rebounds upang ilista ang 1-1 karta para sa Elasto Painters. Nalasap ng Rain or Shine ang unang talo nang yumuko sila sa NorthPort Batang Pier, 94-99 sa simula ng nasabing conference. “We move the ball better today,” saad ni head coach Caloy Garcia. Bumakas si Rey Nambatac ng 17 puntos at 3 rebounds, assists at steals para sa Elasto Painters na ipinatikim sa Columbian ang unang talo sa dalawang salang.
Hindi nagpaiwan ang Dyip at Elasto Painters sa unang dalawang periods, tabla ang iskor sa 44-all sa halftime. Umalagwa ang Rain or Shine sa first canto, kinapitan nila ang 23-14 bentahe pero hindi nagpaiwan ang Columbian, humarurot sila ng 30-21 betahe sa second para maging level ang kanilang iskor.
Agresibong naglaro si super rookie CJ Perez sa first half kaya nakapagtala agad ito ng 18 points at tatlong rebounds. Bahagyang nakalamang ang Elasto Painters sa third canto, nakaiskor sila ng 22 laban sa 19 ng Columbian upang hawakan ang 66-63 bentahe papasok ng 4th period. Umarangkada agad ang Rain or Shine sa pagbubukas ng 4th, kumana ng 8-5 run para umabot sa anim ang kanilang lamang, 74-68, may 9:11 pa sa orasan.
Pero humabol bigla ang Dyip at naagaw ang unahan, 82-81 matapos sumalpak ng dalawang puntos at dalawang free throws si import Khapri Alston may 5:11.2 minuto sa payoff period. Naging matatag ang Rain or Shine sa endgame sa pangunguna ni Wright upang itakas ang mahirap na panalo. Samantala, tinalo ng Ghangsha ang San Miguel Beermen sa Terrific 12 para sa battle for 3rd place sa Macao, China, 91-89. (ATD)





Comments