'Pinas, gustong pabagsakin ng China at Malaysia kaya nag-deklara ng Martial Law si Marcos
- BULGAR

- Sep 23, 2019
- 2 min read
Kumplikado ang katotohanan sa kasaysayan, lalo na kapag madaling nagpapaniwala ang tao sa mga sabi-sabi tulad ng mga ipinagkakalat ng mga ‘Corista’, dilawan at komunista na napakasama ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Noon ay may dalawang bansa na gustong pabagsakin ang ating demokratikong gobyerno. Ito ang dahilan kaya kinailangan ng dating pangulo na ideklara ang Martial Law.
Isa sa mga ito ang China sa ilalim ni Mao Zedong, tinutulungan nito ang mga komunista sa pamumuno ni Jose Maria “Joma” Sison na magsagawa ng armadong rebolusyon. Ang tingin ni Mao noon, dapat paligiran ang China ng mga komunista para maging bakod nito laban sa imperyalistang Amerika.
Regular na nagpapadala ng pera ang gobyerno ng China kay Joma Sison kaya hindi nakapagtatakang mabilis na lumaki ang kanyang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Pero, hindi lang ‘yan, nagtayo pa ang China ng pagawaan ng riple na tanyag noon dahil maaasahan pagdating sa matinding labanan. Ang balak pa ng China ay magpadala ng 20,000 rifles sa NPA.
Ang kaso, sablay din ang NPA dahil ‘yung unang subok nilang magbaba ng mga riple sa Dagoyo Point sa Isabela ay nadiskubre agad ng militar at sinikap na makubkob. Nakapagbaba lang sila ng 1,000 rifles, pero ang mahigit 4,000 ay nakuha ng militar.
Gayundin, ang pangalawang barko na sumubok na magdala ng mga riple sa NPA ay muntik nang lumubog malapit sa Hong Kong dahilan kaya naudlot ang kanilang rebolusyon. Sa kabila nito, tuloy pa rin ang pagdadala ng pera ng China.
Samantala, Malaysia naman ang isa pang bansa na nanggugulo sa atin. Ito ay para makasigurado silang hindi matutuloy ang kagustuhan nating mapunta sa atin ang Sabah na sa katunayan ay sa atin naman talaga.
Pero, si ex-Sen. Ninoy Aquino, ibinuking ang plano ni ex-P-Marcos na mag-infiltrate ng ating mga Muslim na sundalo sa Sabah para kumbinsehin ang mga kapatid nila na mag-alsa laban sa gobyerno ng Malaysia.
Kaya gumanti ang gobyerno ng Malaysia, tumulong itong itayo ang Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamunuan ni Nur Misuari. Hindi lang nagbigay ng pera ang gobyerno ng Malaysia sa kanila kundi sila pa ang nagsanay sa mahigit 600 batang Muslim sa military.
Nagulat na lang ang sandatahang-lakas natin sa mga engkuwentro nila sa MNLF dahil marunong sa taktika ang mga ito at matindi pa ang kanilang mga gamit na armas.
Ang masaklap, ipinakalat ng Malaysia at MNLF na pinahihirapan daw ng gobyerno ni ex-P-Marcos ang mga Muslim sa Mindanao. Mayroon daw digmaan ng Kristiyano laban sa mga Muslim kaya nagbigay din ng pera sa MNLF ang mga mayayamang bansa sa Middle East.
Mabuti na lang at nakausap ni Imelda Marcos si Muammar Gaddafi, dating diktador ng Libya. Nakumbinse niya si Gaddafi na kausapin si Misuari upang itigil ang armadong pakikibaka at pumayag ito sa alok ni ex-P-Marcos na magtatag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Hindi lahat ng nangyari noong Martial Law ay mali. Masasabi nating hindi ganid na lider si dating Pangulong Marcos, pero siyempre, tao lang siya at marahil, nasarapan lang sa puwesto kaya napatagal ang kanyang serbisyo-publiko.





Comments