Marinero at BRT St. Clare tangka ang D-League C’Ships


Pormal na pumasok ng kampeonato sa pamamagitan ng pagkumpleto ng sweep ng kani-kanilang series ang tatangkain kapwa ng Marinerong Pilipino at BRT Sumisip-St.Clare ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D- League Foundation Cup semifinals sa Paco Arena.
Uumpisahan ang Game 2 ng best-of-3 series ng Skippers at ng katapat nilang Technological Institute of the Philippines Engineers ngayong ala- 1:30 ng hapon na susundan ng Game 2 ng Saints at ng Centro Escolar University Scorpions ng 3:30 p.m.
Sa pangunguna ni ex-pro Eloy Poligrates, pinadapa ng Marinero ang TIP noong Game 1 sa iskor na 98-80 para makalapit sa target na unang finals appearance.
Sa kabila ng hawak na bentahe, nais na makatiyak ni coach Yong Garcia na makakatuntong sila ng finals kung kaya gusto niyang tapusin na ngayong hapon ang duwelo nila ng Engineers. “Kailangan pa rin naming trabahuhin ‘yung Game 2 para masigurong tapos ‘yung series,” pahayag ni Garcia na nag-aalala pa rin sa gawi ng kanyang koponan na pagri-relax kapag lumamang na ng malaki.
Sa ikalawang laro, umaasa si coach Stevenson Tiu na muling magpapakita ng mas agresibong laro ang BRT Sumisip-St.Clare ngayong Game 2 kontra CEU para muli nilang makamit ang panalo. Gaya ng dati, sasandigan ni Tiu para mamuno sa Saints sina Malian big man Mohammad Pare, Junjie Hallare, Jhaps Bautista at Joshua Fontanilla.
Sa kabilang dako, sisikapin na makapuwersa ng Do-Or-Die Game 3 nina Malick Diouf, Rich Guinitaran at Jherome Santos para sa Scorpions. (VA)





Comments