top of page

Kulang ka ba sa kapalmuks? Mga epektibong paraan para labanan ang pagiging mahiyain

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 23, 2019
  • 3 min read

Sa mundong ginagalawan natin, hindi nawawala ang mga binabansagang “mahiyain”. Ang mabansagang mahiyain ay nakapagdudulot din ng masamang epekto sa tao dahil lalo lamang silang maiilang na makipag-usap sa iba. Kara­mihan sa mga binabansagang mahiyain ay mas pinipiling maging tahimik na lang sa isang sulok. Ayon kay Simone Torn ng Girl Talk, ang lack of outspokenness ay hindi nangangahulugang mayroong mali sa tao, aniya, ang pagiging outspoken ay karangalan sapagkat sa pagiging ganito ay naipahahayag nila ang kanilang nara­ram­daman.

Dagdag din niya, karamihan sa mga “mahiyain” ay mas observant kumpara sa mga talkative. Lahat ng personality type, mapa-timid man na tulad ng daga o mapa-loud man na tulad ng leon, lahat ay mayroong maiaam­bag na “something unique to the table”, ‘ika nga. Pero, kung isa ka sa mga shy type at feeling mo ay hindi ka umuunlad dahil dito, narito ang ilang tips para makalabas tayo sa ‘shell’ natin:

1. HUWAG KANG MATAKOT SA REJECTION. Madaling sabihin ang bagay na ito, pero sobrang hirap gawin, ngunit, kahit na anong klase ng rejection pa ‘yan, hindi tayo magiging successful sa goal natin kung palaging takot sa rejections ang paiiralin natin, kaya lodi, kapag may gusto kang gawin at natatakot kang ma-reject ng iba, i-try mo pa rin dahil may posibilidad na tanggapin ng iba ang iyong gagawin. Kung i-reject ka naman, atleast, sinubukan mo, ‘di ba?

2. IBAHAGI MO ANG IYONG OPINYON. Kung “mahiyain” ka at gusto mong makihalubilo sa iba, maging totoo ka lang sa iyong sarili para maging better kang kaibigan at ‘wag kang magpaapekto sa opinyon ng iba tungkol sa iyo. Kung palagi ka na lang aayon sa gusto ng iba dahil gusto mo silang maging kaibigan, may posibilidad na dumating sa puntong hindi ka na nila irerespeto bilang ikaw. Pero, siyempre hindi ka rin dapat mag-disagree sa kahit kanino for the sake ng disagreement. Kung magkaroon ng magkasalungat na opinyon sa pagitan mo at ng ibang tao, ipahayag mo ang iyong saloobin sa maayos na paraan.

3. MAGPAKATOTOO KA. Tips ng author ng Bolde na si Sarah Burke, imbes na makisunod sa mga trending para maging katanggap-tanggap sa mga mata ng iba, mas oks kung magpapakatotoo lang tayo. Ipakita natin sa mundo ang tunay na tayo. Hindi natin kailangang maging carbon copy ng iba para lang i-accept nila tayo. Mas ayos pa rin ang authentic kaysa imitation, ‘di ba?

4. LABANAN ANG PAGIGING NE­GATRON. Ayon sa Indiana University Southeast professor na si Bernardo Carducci sa “Psychology Today”, karamihan sa mga mahi­yaing tao ay mayroong negative thoughts tungkol sa sarili nila. Kung mayroon tayong negative thoughts sa sarili natin, para na rin nating sinabotahe ang ating sarili. Sabi nga ni Loly Daskal, president at CEO ng Lead From Within, minsan, tayo rin ang worst enemy ng sarili natin. Huwag nating hayaang ibaba tayo ng inner critic natin. Imbes na magpakalunod tayo sa pagiging negative, i-analyze natin ang weaknesses natin para ma-defuse natin ito.

5. MAGLAAN NG SAPAT NA BATERYA. Kung sinusubukan mong lumabas sa shell o comfort zone mo, may posibilidad na makaramdam ka ng madaliang kapaguran. Sabi nga, rest if you must, but don’t quit! I-charge natin ang baterya natin kung pagod na tayo, pero huwag tayong susuko. Sey ng Clinical Mental Health Professional Counselor na si Trudi Griffin, kailangan din natin ng “me time” o oras para sa sarili natin para hindi tayo makaramdam ng exhaustion.

Kung palagi nating paiiralin ang takot at kung patuloy nating hahayaang lamunin tayo ng mga negativity at kung hindi natin lalabanan ang kahong nagkukulong sa atin, lalo lang tayong mahihirapan at hindi natin lubusang makikilala ang ating sarili.

Kaya mga ‘tol, palagi nating palakasin si ‘optimism’ prime sa buhay natin at labanan natin ang negaworld, okay? Kaya natin ‘to!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page