top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Hazing, isama sa heinous crimes

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 23, 2019
1 min read

Kasabay ng panibagong kaso ng pagkamatay dahil sa hazing, panahon na para isama ito sa mga itinuturing na heinous crimes.

Ito ang apela ng mga magulang ni Horacio ‘Atio’ Castillo III, kasunod ng pagkamatay ni Philippine Military Academy 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.

Matatandaang, namatay sa hazing rites ng Aegis Juris Fraternity sa University of Santo Tomas ang 22-anyos na si 'Atio'. Sa ngayon, nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law ang sampung miyembro ng nabanggit na frat at nakakulong na sa Manila City Jail. Batas na parang hindi naman kinatatakutan dahil kahit habambuhay ang parusa ay nilalabag pa rin.

Kaya kung mapapabilang sa mga karumal-dumal na krimen ang hazing, baka sakaling maisip nilang wala nang layang aasahan.

Sa bawat hazing, hindi lamang iilang buhay ang nalalagay sa panganib kundi kasama na ang sa kani-kanilang pamilya — biktima man o suspek, parehong mawawasak ang kinabukasan.

May mga pangarap na sa isang iglap ay hindi na matutupad.

Ilang buhay pa ba ang kailangang mawala para matigil ang madugong initiation rites?

Tila mga sabik sa dugo na gustong makaganti dahil dumanas din ng hirap bago na-welcome.

Hindi ba puwedeng walang masaktan alang-alang sa tunay na pagkakapatiran?

Dahil ang kapatid, pinoprotektahan at hindi pinapatay.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page