Bata ng mga drug lords.. Mga presong hired killers, ibinulgar

Matapos ang pagkakabunyag sa ‘GCTA for sale’ scheme sa New Bilibid Prison (NBP), isa pang modus ang naisiwalat sa loob ng Pambansang Piitan.
Sa panayam kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, nakakuha umano sila ng impormasyon tungkol sa pagpapalabas sa ilang preso para gumawa ng krimen sa labas ng Bilibid.
“Allowing criminal activities outside tapos balik sa loob. Tapos ‘yung drug trafficking na talagang palasak, doon sila nag-o-operate,” ani Sen. Sotto
“Murder, criminal activities para payagan makalabas, may gagawin and then may patitira ‘yung mga drug lord, babalik sa loob. Walang huli,” dagdag pa ng mambabatas.
Ibinulgar din nito na may mga preso na pinalaya na pero, ayaw pa ring lumabas ng Bilibid.
“‘Yung iba nga, may inmates doon hindi na inmate kaya andami nila. Hindi na inmates pero andun pa sa loob,” ani Sotto.
Samantala, sinabi naman ni Senador ‘Bong’ Go na dapat umanong lagyan ng pampatulog ang dextrose ng mga convicted drug lord na nagkukunwaring may sakit para lang ma-confine sa NBP Hospital.
“Kung nagpapa-dextrose nang sobra sa isang buwan, baka ‘di na kayo magising; baka may pang-dextrose na puwedeng pampatulog nang habambuhay. ‘Yung mga drug lord, gustong bumili ng hospital pass, sabihin n’yo lang po,” ani Go.
Ayon sa senador, ilang mga high profile inmate, partikular ang mga drug lords, ang nagagawang bumili ng hospital pass para lang ma-admit sa ospital.
“Minsan, may gumagamit pa ng telepono, nakikipagtransaksiyon pa, tumatawag pa. Ano ang ibig sabihin nito? Bakit pinapayagan gumamit ng telepono at ilang buwang naka-admit du’n? Hindi lang po sa admission sa NBP Hospital, pati rin ‘yung gustong magpa-admit sa ibang ospital sa labas,” ani Go.





Comments