top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

Agravante, 3rd place sa Trilogy, Kenyans Mungathia, nanguna

  • A. Servinio
  • Sep 23, 2019
  • 1 min read

Nanaig ang mga bisita mula Kenya sa pagtatapos ng 8th edition ng Philippine Marathon kahapon ng umaga sa MOA Grounds, Pasay City. Nakasabay sa una pero kinapos sa huli ang mga pambatong Pinoy sa bilis ng mga banyaga sa 42.195 kilometrong karera na nagsilbi bilang ikatlo at huling yugto ng taunang Runrio Trilogy, isa sa nangungunang patakbo sa bansa ayon sa rami ng sumasali.

Unang tumawid sa finish line si Stephen Mungathia sa oras na 2:30:50 at sinundan siya ng kababayang si Lel Kipchirchir na umoras ng 2:33:00. Napigil ni Jeson Agrabante ang pagwalis ng mga banyaga sa pagtapos sa 3rd place sa 2:33:50, tatlong minuto ang agwat sa kampeon.

Kenya rin ang wagi sa panig ng kababaihan sa katauhan ni Margaret Njuguna sa 3:00:52. Pumangalawa si April Rose Diaz (3:10:57) at pangatlo si Rufa Sorongon (3:11:24) ng Pilipinas. Sa ibang mga distansiya, wagi pa rin ang Kenya sa 21-km sa likod ng ipinakita ni Leonard Kemboi (1:10:32). Tinalo ni Kemboi sina Anthony Nerza (1:11:55) at kapwa Kenyan na si Jackson Chirchir (1:12:20).

Sa kababaihan, puro Pinay ang bumida sa panguna ng kampeong si Christine Hallasgo (1:26:00). Pumangalawa si Cristabel Martes (1:31:02) at sinundan siya ni Lizane Abella (1:34:15). May mga patakbo rin sa 10-km at 5 km subalit hindi na gumagawa ng indibidwal na kampeon at sa halip ay pinaparangalan ang mga sabay tumakbo na pares, barkada o pamilya. Ito ay para makahikayat ng mas marami na tumakbo para sa kanilang kalusugan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page