NLEX, pinasadahan ang Fuels; bibiyahe sa 2nd win ang Dyip
- BULGAR

- Sep 22, 2019
- 1 min read

Naitakas ng NLEX Road Warriors ang 123-116 panalo kontra Phoenix Fuelmasters sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Humarbes si import Oluseyi Ashaolu ng 29 points, 11 rebounds at anim na assists upang akayin ang Road Warriors sa panalo habang tumipa si Kiefer Ravena ng 20 puntos, 9 na rebounds at 7 assists. Naging susi sa panalo ng Road Warriors ang magandang nilaro nila sa third quarter.
Bahagyang umungos ang Fuel Masters sa unang dalawang periods matapos hawakan ang 55-52 bentahe sa halftime.
Pero nanagasa ang Road Warriors ng 42-29 sa third period upang maagaw ang bentahe, 94-84 papasok ng 4th. Hindi nagpabaya ang NLEX sa payoff periods lalo na sa endgame.
Samantala, pakay ng Columbian Dyip na ikahon ang pangalawang sunod na lanalo pagharap nila sa Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-4:30 ng hapon.
Nakasilat agad ang Dyip sa una nilang laro noong Biyernes matapos nilang kalusin ang pinapaborang Alaska Aces, 117-110. Nagsanib puwersa sina import Khapri Alston at super rookie CJ Perez upang akayin ang Dyip sa kanilang unang panalo.
Nagtala si Alston ng 38 points at 22 rebounds habang nagtala si Perez ng 28 markers at 13 boards kaya paniguradong sila pa rin ang sasandalan ng Columbian para masolo ang pangalawang panalo.
Inaasahan naman na mapapalaban ang Dyip dahil gigil na gustong makabawi ng Elasto Painters.
Yumuko ang RoS sa kanilang unang laro kontra NorthPort Batang Pier. Maghaharap sa ala-6:45 ng gabi ang Bgy. Ginebra at Alaska. (ATD)





Comments