top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Lifter Diaz, naka-2 bronze suntok sa buwan sa Olympics

Eddie M. Paez, Jr. / Gerard Arce
Sep 22, 2019
2 min read

Photo: FoxsportsPh

Nagpapatuloy ang maayos na paglalakbay ni Hidilyn Diaz papunta sa 2020 Tokyo Olympics matapos makahablot ng dalawang tansong medalya sa 55-kilograms weightlifting upang sa wakas ay mapabilang ang Pilipinas sa medal tally ng ginaganap na International Weightlifting Federation (IWF) World Championships sa Pattaya, Thailand.

Bumuhat si Diaz, naka-silver medal mula sa 2016 Rio Olympics, 121 kgs. sa Clean & Jerk, tungo sa unang medalya sa prestihiyosong kompetisyon. Kinailangan pa ng Pinay ang pangatlong attempt para maitala ang 121 kgs. Nakatulong rin ang pagpalya ni Khazak Zulfiya Chinshanlo sa hirit na 122 kgs. kaya naitakas ni Diaz ang tansong medalya.

Sa kanyang kabuuang rekord kabilang na sa snatch (93 kgs.), naselyuhan ang pangalawang bronze medal ni Diaz dahil ang pinagsamang marka ay 121 kgs. Nasilat niyang muli para sa huling upuan sa podium si Chinshanlo na nagrehistro lang ng 120 kgs. Walang nakuhang medalya si Diaz sa snatch dahil pang walong baytang lang ang narating bunga ng masamang arangkada. Dalawang beses siyang sumabit sa pagbuhat ng 93 kgs at sa pangatlo at huling hirit lang niya naiangat ang barbel.

Nagmistulang Asian Championships ang naging resulta dahil sa dalawang kinatawan ng China ang kumuha ng ginto at pilak sa snatch, Clean & Jerk at sa total tally. Si Qiuyun Liao ay nagwagi ng dalawang ginto (Clean & Jerk at total) at isang pilak habang isang gold (snatch) at dalawang silver medals ang isinabit kay Wanqiong Zhang.

Noong 2017 IWF World Championships sa Anaheim, California, isang bronze at isang silver ang iniuwi ni Diaz pero ito ay sa 53 kgs na grupo.

Ang bridesmaid finish noong 2016 Olympiad ay naiposte rin sa 53 kgs. bracket. Ang masaklap nito ay wala nang 53-kgs na bakbakan sa Tokyo Olympics. Pero malaki ang iniangat ng antas ng kanyang paglalakbay sa 55-kgs na pangkat kung ikukumpara noong huling World Championships kung saan pang-11 sa weight category na ito ang kanyang naipakita.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page