Triathlete Adorna, tiwalang magtatagumpay sa 30th SEAG


Magtatagumpay ang kampanya ni PHL Triathlon champion Maria Claire Adorna sa 30th Southeast Asian Games sa Manila sa Nob. 30-Dis.11.
Sa muli niyang pagsabak sa triathlon, tiwala si Adorna na makukuha ng mga Pilipino ang mas maraming gold medals sa kabuuang walong events na nakataya sa prestihiyosong kompetisyon.
“Tiwala po ako sa kakayahan ng ating triathlon team, sa pangunguna ni Triathlon Association of the Philippines (TRAP) president Tom Carrasco,” pahayag ni Adorna sa unang pagdalo sa 40th “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros kahapon.
“Kayang-kayang nating manalo, lalo na dito sa atin gagawin ang SEA Games,” dugtong pa ng 26-anyos na si Adorna, na nanalo na ng gold medal sa 2017 SEAG at silver medal sa 2017 SEAG Malaysia.
Ang pahayag ni Adorna sa weekly session na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR at Community Basketball Association ay umayon sa mga naunang pahayag ni Carrasco na masusungkit ng mga PiIipino ang apat hanggang 6 gold medals sa SEAG.
“Sa tingin ko, mahigpit pa rin nating kalaban ang Malaysia at Singapore sa SEAG,” saad ni Adorna, na nakatakda ding lumahok sa World Beach Games sa Doha, Qatar sa Okt. 11 at Asian Cup sa Jordan sa Oktubre.
Kailangan niya pa raw na lumahok sa mas maraming kompetisyon upang madagdagan ang ranking points na magsisilbing ticket sa Tokyo Olympics sa 2020. “Sa pamamagitan ng TOPS, nananawagan ako ngayon ng suporta at dalangin sa mga kababayan, hindi lang para sa aming triathlon team kundi para sa buong Team Pilipinas. Suportahan n’yo po kaming lahat sa SEA Games,” ani Adorna sa forum na ipinalabas sa Facebook live via Glitter. Nakasama ni Adorna sa session si Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham “Baham” Mitra at si Philippine Arm Wrestling Federation president Arniel Gutierrez. (MC)





Comments