top of page
Alex Eala at Sandro Marcos - FB.jpg

Red Lions, nilapa sa scoring ang Bombers

  • A. Servinio
  • Sep 20, 2019
  • 2 min read

Hinigpitan nang todo ng defending champion San Beda University ang depensa upang durugin ang Jose Rizal University, 65-47, at itala ang kanilang ika-12 sunod na panalo sa pagpapatuloy ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre. Hindi pumayag ang Red Lions na makapuntos ang Heavy Bombers sa loob ng unang 7 minuto ng 4th quarter at nagpaulan ng 11 diretsong puntos upang kunin nang maaga ang tagumpay, 58-43, at manatiling nasa tuktok ng liga.

Ito na rin ang pangalawang pinakamababang puntos na nagawa ng isang kalaban ng Red Lions sa taong ito. Mas mababa lang ang natala ng season host Arellano University, 46-59, sa unang araw ng torneo noong Hulyo 7 sa MOA Arena.

Nanguna sa SBU si James Canlas Kwekuteye na pinasok ang 12 ng kanyang 18 puntos sa second half kung saan binaligtad nila ang 31-27 na kalamangan ng Heavy Bombers. Sumunod sa kanya si Calvin Oftana na ginawa ang lahat ng 12 puntos sa second half habang nagdagdag ng 11 puntos si Evan Nelle.

Tatlong laro ang gaganapin ngayong araw ng Biyernes sa paghaharap ng San Sebastian College (7-3) at Colegio de San Juan de Letran (7-4) sa 4:00 p.m.

Ang Stags ang isa sa mga mainit na koponan sa NCAA ngayon na nasa gitna ng limang sunod na panalo habang nais ng Knights na makabangon mula sa mapait na talo sa Mapua University sa dalawang overtime, 101-105, noong Set.13.

Bubuksan ng Mapua (4-6) ang aksyon kontra sa Emilio Aguinaldo College (1-10) sa 12:00 ng tanghali. Susundan ng Lyceum (8-3) at Saint Benilde (6-4) sa 2:00 p.m., dalawang koponan na malaki ang pagkakataon na maagaw ang korona sa San Beda.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page