Mga presong ayaw sumuko, hindi papatayin

Huwag daw literal ang pag-intindi sa “dead or alive” na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ang pahayag ni DOJ Sec. Menardo Guevarra sa planong isang milyong pisong pabuya ni P-Duterte para sa libu-libong convicted murderers, rapists, drug lords at iba pang kriminal na napan ng heinous crimes at napalaya sa ilalim ng kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Nilinaw na mangyayari lamang ang ‘shoot-to-kill’ kapag nanlaban ang mga preso, may pahintulot ang mga awtoridad na ipagtanggol ang kanilang sarili.
Ipinaliwanag naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi rin iniutos ni P-Duterte ang pananambang kay dating Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot.
Hindi raw Tagalog ang nakasanayang wika ng pangulo kaya iba ang nais nitong sabihin sa kanyang naging pahayag. Hindi raw “style” ng pangulo ang mag-utos ng pananambang.
Naisip lang natin, kung hindi sanay si P-Duterte na mag-Tagalog, bakit hindi na lang siya mag-English o magsalita ng kanyang nakasanayang wika para maalis ang kalituhan sa kung ano ang nais nitong sabihin? Paano kung may sumunod agad sa mga pahayag ng pangulo at nahuli ang paliwanag ni Panelo? Hindi ba, binalaan din ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si ex-Mayor Loot na mag-ingat 24/7 matapos ang pahayag ng pangulo, biro man o hindi?
Lumalabas na tila ang Palasyo lang ang nakaiintindi sa mga sinasabi ng pangulo at ang sambayanan ay hindi.
◘◘◘
Napan na ang walong miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa pagpatay sa mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel noong 2013. Homicide ang hatol sa walo na may parusang walo hanggang 11 taong pagkakakulong. Matatandaang, ipinrotesta ng Taiwan ang insidente na nauwi sa ilang parusa tulad ng pagbawal sa mga Taiwanese na magbakasyon sa Pilipinas at paghinto ng pagpasok ng mga OFWs. Naayos lang ang sitwasyon nang pormal na humingi ng tawad ang administrasyong Aquino sa pamilya ng napaslang na mangingisda.
Ikumpara ‘yan sa insidente sa Recto Bank na hanggang ngayon ay tila walang ginagawa para maparusahan ang mga tauhan ng barkong bumangga sa F/B Gem-Vir 1. Nasa loob na ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, pero walang nagawa ang PCG.
Kung sasabihing ginagawa lang ang kanilang tungkulin dahil nagnanakaw ang mga Taiwanese sa karagatan natin, bakit walang ganyang kilos para harapin ang mga mangingisda mula China tulad ng paghango ng napakaraming taklobo sa loob ng ating EEZ?





Comments