Bulacan, tagilid sa baha sa itatayong Airport, mga opisyal ng Gobyerno, tameme lang
- BULGAR

- Sep 20, 2019
- 2 min read
Natutuwa tayo dahil pinakinggan ang orihinal nating konsepto na “elevated road” bilang kongkretong solusyon sa trapik at baha.
Nagkusa ang San Miguel Corporation (SMC) na sila ang magtatayo ng EDSA Elevated Highway.
Klap-klap-klap!
◘◘◘
ANG elevated highway ay inirerekomenda natin mismo sa SMC bilang solusyon sakaling bumaha sa lalawigan ng Bulacan sanhi rin ng kanilang proyektong Bulacan Airport.
Ito ay dapat itayo alinman sa tatlong “national highways” na bumabagtas sa lalawigan ng Bulacan!
◘◘◘
SISIMULAN na ang konstruksiyon ng Bulacan Airport, pero kasabay nito ang ekta-ektaryang mga dati at napakikinabangang palaisdaan sa bisinidad nito at kalapit-lugar ay pinakyaw na rin ng mga tusong conglomerates para gawing mixed-residential at commercial area.
Ang sabayang pagtatambak at konstruksiyon sa dalampasigan ng Bulacan ay magpapalubog at magbubunga ng matinding trapik sa tatlong national highways sa lalawigan!
◘◘◘
ANG tatlong national highways na ito ay una, ang orihinal na pambansang lansangan na bumabagtas mula Malolos, Bulakan, Obando, Meycauayan, Malabon at Caloocan na mas kilala bilang M.H. del Pilar National Highway.
Ito ang ginagamit ng mga unang Bulakenyo pagpunta sa Maynila noong hindi pa dumarating si Gen. McArthur at hindi pa ginagawa ang McArthur Highway.
Masikip ang Old MH del Pilar highway at hindi na ito alam ng mga millennials!
◘◘◘
GAYUNMAN, ang pinaka-busy at mataong lugar ay ang McArthur Highway kung saan nagdaan ang heneral ng mga Kano noong World War II.
Bumabagtas ang McArthur Highway mula Malolos, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, Marilao, Meycauayan at Valenzuela City.
Lumulubog ang McArthur Highway at MH del Pilar kahit sa simpleng pag-ulan!
◘◘◘
NAGTATAKA tayo kung bakit EDSA ang uunahin ng SMC na tayuan ng elevated highway imbes na ang alinman sa dalawa — MH del Pilar o McActhur Highway na mapeperhuwisyo ng pagtatayo ng Bulacan Airport.
Kung seryoso ang SMC na iligtas sa panganib at kalamidad ang lalawigan ng Bulacan mula sa pagtatayo ng airport, dapat ang pokus ng kanilang unsolicited proposal na elevated high way ay sa McArthur Highway o MH del Pilar!
◘◘◘
HABANG tinatambakan gamit ang malalaking truck, masisira at mawawasak ang dalawang highways na ito — dahil magbabalik-balik ang mga dump trucks mula sa quarrying area sa kaitaasang bayan ng Pandi, Sta Maria, DRT, San Ildefonso, San Rafael at San Miguel.
Hindi lang magdudulot ng matinding trapik ang mga “haulers ng construction”, wawasakin din nito ang pambansang lansangan sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon ng construction period!
◘◘◘
DAHIL trapik at baha, magiging alternatibong daan ang ikatlong national highway sa Bulacan na NLEX, pero tiyak na mawawasak din ito at lulubog sa tubig.
Kung ayaw ng SMC na magtayo ng elevated highway sa MH del Pilar at McArthur Highway, mabilis ang konstruksiyon kung itatayo ito sa mismong NLEX na diretsong ikokonek sa Bulacan Airport!
◘◘◘
BIGO ang matataas na opisyal ng Bulacan na magrekomenda ng ganitong proyekto dahil maaaring nasusupalpalan sila ng malaking halaga.
Tameme ang mga LGU executives dahil maaaring totoo ang tsismis, nagkakamal sila ng tongpats mula sa SMC.
Dapat silang magpaliwanag sa mga Bulakenyos!





Comments