Paras, binitbit sa panalo ang UP; Ahanmisi bida sa Falcons


Pagkatapos ng naitalang overtime win kontra Adamson, isa uling dikdikang laban ang naipanalo ng University of the Philippines matapos gapiin ang National University, 80-79 kahapon sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Mall of Asia Arena.
Nangunang muli si Kobe Paras para sa Maroons sa iniskor nitong 25 puntos, 6 rebounds at 2 assists. Mula sa 78-71 bentahe, may 2:13 pang oras na nalalabi, nalagay sa alanganin ang UP matapos tapyasin sa isa ng NU ang lamang nila sa pamamagitan ng isang triple ni Dave Ildefonso may natitira na lang 11.6 na segundo sa laro. Kaya pa sanang itaas sa tatlo ng UP ang bentahe ngunit walang naipasok si David Murrell sa dalawang freethrows.
Pagkakataon sanang agawin ng NU ang panalo, pero kinapos ang dapat na game winner at buzzer beater ni John Lloyd Clemente.
Kaparis ni Paras, nagtala rin ng 25 puntos si Ildefonso para sa nabigong NU na nanatiling walang panalo pagkaraan ng apat na laro.
Sa sumunod na laban, tinapos ng Adamson ang laro sa pamamagitan ng 16-0 run upang mapataob ang UST, 78-71.
Mula sa 56-64 na pagkakaiwan, rumatsada ang Falcons sa pamumuno ni Valandre Chauca upang maiposte ang bounce back win. Tumapos na topscorer para sa Falcons si Jerrick Ahanmisi na may 24 puntos.
Dahil sa panalo, tabla na ngayon ang Soaring Falcons at Growling Tigers na pinamunuan ni Soulmane Chabi Yo na may 17 puntos sa patas na markang 2-2. (VA)





Comments