Sen. Grace, bulag-bulagan sa mga proyekto ni P-Digong
- BULGAR

- Sep 18, 2019
- 2 min read
Nagbubulag-Bulagan si Sen. Grace Poe sa mga tagumpay ng administrasyong Duterte sa larangan ng transportasyon at serbisyo-publiko.
Siguro, naiinggit siya kaya bawat salita niya ay pambabatikos lang sa gobyerno sa halip na mag-alok ng solusyon.
Kamakailan, pinagbibitiw niya sa puwesto si DOTr Secretary Arthur “Art” Tugade dahil wala raw itong ginagawa o “underperforming”.
Naku, madam, marami nang nagawang magagandang proyekto ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para mapabuti ang transportasyon sa bansa tulad ng magandang progreso sa MRT-3.
Sa ilalim ng nakaraang administrasyon, noong si ex-Sec. Joseph Emilio “Jun” Abaya pa ang namumuno sa DOTr, maraming kapalpakan ang mga tren ng MRT-3 at ang mga kawawang pasahero ay walang magawa kundi ang maglakad sa riles.
Ang usap-usapan, ginawa raw “gatasan” ang MRT-3 para makalikom ng malaking pondo ang dilawan para sa eleksiyon noong 2016 kung saan nakarma sila at natalo.
Sa kasalukuyang administrasyon, maayos na ang takbo ng MRT-3. Sinipa na ang peke at palpak na maintenance provider na inilagay ng dilawan at sa wakas ay naibalik na rin ang matinong kumpanya na Sumitomo.
Marami nang kagamitan ang MRT-3 kaya bumaba na ang bilang ng mga aksidente at biglaang-pagtirik, tumatakbo na ang elevator, maayos na ulit ang mga aircon sa mga bagon at libre pa sa pamasahe ang mga estudyanteng mananakay!
Kapag umiikot tayo sa Metro Manila at karatig-lugar nito (Calabarzon), mapapansin nating palaging mayroong konstruksiyon kung saan layuning mapabuti at maisaayos ang mga daan, malinis ang mga kanal na daluyan ng tubig-baha, mailagay ang pundasyon para sa mga susunod na mga tren at iba pang proyekto.
Maraming proyektong natatapos dahil ipinatupad ng gobyerno ang ‘24/7’ na konstruksiyon para mabilis matapos ang mga ito. Hindi ba ito alam ng chair ng Senate Committee on Public Services?
Ayon sa DOTr, sa ilalim ng pamumuno ni Sec. Tugade, natapos na ang paggawa sa 64 airports, 220 seaports at patuloy pa rin ang paggawa ng mga bagong linya ng mga tren.
Isa na rito ang MRT-7 na malapit-lapit na ring matapos. Tatakbo ito mula Quezon City hanggang San Jose del Monte, Bulacan. Dagdag pa ng DOTr, bubuksan sa publiko ang parte nito sa North Avenue Station sa 2021 at ang iba pang istasyon sa 2022.
Inuumpisahan na rin ang paglagay ng mga pundasyon para sa LRT-1 Cavite Extension.
Ito ay pagpapahaba ng kasalukuyang LRT-1 para umabot ito hanggang sa Bacoor, Cavite.
Dalawang dekadang nakabimbin ang mga proyektong ito at lumarga lang nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte at inilunsad ang programang “Build, Build, Build”.





Comments