Trapik sa bansa, huwag daanin sa pansamantalang solusyon!
- Ryan B. Sison
- Sep 17, 2019
- 2 min read

Sa araw-araw na pagbiyahe papunta sa paaralan o trabaho, maituturing na kalbaryo ang dinaranas ng mga Pinoy dahil hindi lang oras at hanapbuhay ang nawawala, maging ang buhay ay nasasayang na rin.
Sa rami ng eksperimento ng pamahalaan at mga awtoridad para masolusyunan ang trapik sa bansa, tila walang epektibo kaya hanggang ngayon ay maraming nagtitiis dito.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, hindi “band-aid” solution ang kailangan para maresolba ang hindi matapus-tapos na problema sa trapik dahil aniya, ‘holistic at systematic approach’ ang kailangan para rito.
Halimbawa nito ang “Build, Build, Build Program” kung saan ginagawa ang skyway, subway, C6, Northrail at Southrail systems.
Bagama’t, hindi kayang tapusin nang overnight ang mga nabanggit na proyekto, rito na pumapasok ang mga ‘band-aid solution’ o pansamantalang solusyon sa mga problema hinggil sa problema sa trapiko.
Kabilang na rito ang pagbubukas ng mga subdibisyon para daanan ng mga motorista, driver-only car ban at ang pinag-aaralang pagba-ban sa mga pribadong sasakyan tuwing rush hour.
Bagama’t, aminado ang administrasyon na mahirap solusyunan ang problema sa trapiko, may ilang panawagan ang publiko.
Una, suspendihin ang pagpa-franchise ng public utility vehicles (PUVs) para maipatupad nang maayos ang traffic discipline. Ikalawa, makatotohanang ‘Unified Traffic System’ sa Metro Manila at ikatlo, maayos na ruta ng mga bus.
Sa totoo lang, kahit patapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, may tsansa pang maresolba ang problemang ito kung magkakaisa ang mga mambabatas, drayber at komyuter.
Marami pang dapat ayusin at linawin, pero kung puro ‘pagtatapal’ o pansamantalang solusyon lang ang naiisip nating gawin, wala nang pag-asa na malutas ang problema sa trapiko.
Kailangan pa bang maranasan ng mga mambabatas ang araw-araw na dinaranas ng mga karaniwang komyuter bago gumawa ng maayos at makatotohanang solusyon?
Panawagan sa mga kinauukulan, stop na sa pansamantalang solusyon sa trapik!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments