Raket ng overpriced na libingan sa sementeryo, buking!

Kung sa Senado ay iniimbestigahan ang nabulgar na ‘laya for sale’, aba, sa labas naman ng Senado ay may raket na nabuking — ang ‘butas for sale’!
Ayon sa nakausap nating mga alagad ng batas, todo-reklamo ang mga mahihirap nating kababayan na namatayan dahil sa sobrang taas daw ng bayarin sa ‘butas’ sa sementeryo na ginawa at pinagsumikapan ng Lungsod ng Maynila nang magtayo ng apartment style na kayang bilhin ng mga mahihirap na paglilibingan ng kanilang mga namayapang kamag-anak.
Ito ang masaklap, napag-alaman ng inyong lingkod na sa Manila North Cemetery, ang raket ng mga hinayupak na suspek ay pinapatungan o dinaragdagan daw ng P20K ang kada butas na paglilibingan na maliwanag pa sa sikat ng araw na isang modus ngayong malapit na ang Pista ng mga Patay.
Dagdag pang reklamong nakarating sa inyong lingkod, isa sa mga dahilan ng scam ay ang napakamahal na paniningil ng ilang punerarya sa butas sa nabanggit na sementeryo, kaya hindi agad naililibing ng mga namatayan ang kanilang namatay na kamag-anak at madalas ay napo-postponed ang libing dahil nga sa mga mapagsamantalang kawani kuno ng sementeryo.
Dahil sa raket na ito, para matugunan ang mataas na bayad sa “butas for sale”, nagpapasugal na lang ang mga namatayan na ang nangyayari ay kahit walang patay, aktibo ang bawal na sakla, tong-it, mahjong at iba pang sugal.
Tinatawagan natin ng pansin si Yorme Isko Moreno na pakiimbestigahan ang nabuking na ‘butas for sale’ na nagaganap sa Manila North Cemetery dahil kahabag-habag ang mga kababayan nating namatayan na, pinapatay pa ng mga balasubas na ito.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Mas ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments