Dating nangungutang lang ng pamasahe… Shayne, umabot sa P7 milyon ang premyo sa Starstruck


Matindi ang ginanap na showdown sa final judgment ng StarStruck 7 noong Linggo. Muling hinusgahan ang StarStruck Final 4 na sina Shayne Sava, Lexi Gonzales, Kim De Leon at Allen Ansay.
May mga production numbers na ginawa sina Shayne, Kim, Lexi at Allen kasama ang past StarStruck avengers tulad nina Yasmien Kurdi, Mark Herras, Katrina Halili, Kris Bernal, atbp.. Kumanta rin ang tatlong StarStruck council na sina Ms. Cherie Gil, Heart Evangelista at Jose Manalo.
Sa opening pa lang noong final judgment ng StarStruck ay may production number agad ang Multimedia Star na si Alden Richards. Sumayaw din siya at kumanta kasama ang StarStruck Final 4.
All-out ang naging suporta ng mga fans nina Shayne, Lexi, Kim at Allen at itinodo na ang pagpapadala ng boto. Sa final counting, si Shayne Sava ay nakakuha ng 96.3% votes kaya siya ang itinanghal na StarStruck 7 Ultimate Female Survivor.
Maraming nakisimpatya kay Shayne na ang kanyang lola ang laging kasa-kasama sa mga audtitions. Madalas ay nangungutang pa sila ng pamasahe. Ngayon, worth P7M ang total ng kanyang naging premyo bilang Ultimate Female Survivor ng StarStruck Season 7.
Malaking tulong ito para sa pamilya ni Shayne dahil may kapatid pa siyang pag-aaralin. Kahit na mag-aartista na siya, hindi raw niya pababayaan ang kanyang pag-aaral. Grade 10 na siya at magho-home study na lang muna.





Comments