Pasig, kampeon sa 4th Edition ng 3x3 Magiting Cup vs. Balanga

Nakamit ng Equalivet Pasig ang kampeonato ng ika-apat na yugto ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 Magiting Cup handog ng Coca-Cola matapos nilang pabagsakin ang wala pang talong Wilkins Balanga, 21-18, sa SM City BF Parañaque noong Linggo. Pinasok ng walang kaba ni Leo de Vera ang free throw na may 52 segundong nalalabi upang tuldukan ang laro at mauwi ang P100,000 at inihaw na manok.
Bago noon, pinasok ng beteranong si Dylan Ababou ang dalawang dos upang ibigay sa Pasig ang 20-18 na lamang papasok sa huling minuto.
Pinalipat ng bahagya ni Karl Dehesa ang Balanga, 18-20, subalit nabigyan ng foul si de Vera para sa pampanalong puntos at putulin ang 14 sunod na panalo ng Balanga sa buong torneo. Nakaganti ang Pasig sa kanilang masaklap na 20-21 na pagkatalo noong nakaraang Martes sa Balanga para sa kampeonato ng ikatlong yugto.
Maliban kay de Vera at Ababou, kinukumpleto ang Pasig nina Joshua Munzon at ang bagong pirmang si JR Alabanza na pumalit kay Travis Thompson.
Ipadadala rin ang Pasig sa FIBA 3X3 Challenger sa Kaohsiung, Taiwan sa Set. 21. Dahil dito, ililipat ang ika-lima at huling yugto ng Magiting Cup sa Set. 20 sa SM Megamall kung saan naghihintay ang P1,000,000 sa kampeon.Patungo sa korona, tinalo ng Pasig ang HUP Vigan sa quarterfinals, 21-15, at Fyr Fyter Bacolod sa semifinals, 21-12.
Sa group stages noong umaga, pinigil ng Pasig ang Thunder Taguig, 21-13, at Partas Narvacan, 21-16.





Comments