Pagsolb ni P-Du30 sa trapik, hinaharang.. Madlang pipol kay Sen. Grace, resign!
- BULGAR

- Sep 16, 2019
- 2 min read
Tablado si Senadora Grace Poe matapos niyang hingin ang pagbibitiw sa puwesto ni DOTr Secretary Arthur Tugade sa gitna ng away nila tungkol sa isyu ng “emergency powers” para sa trapiko.
Ang patuloy na pambabara ng senadora sa hiling ng Malacañang na bigyan ng “emergency powers” si Pangulong Rodrigo Duterte ang sinisising dahilan kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin maresolba ang malalang trapiko sa Metro Manila, partikular sa EDSA.
Sa inis ng mga netizen sa senadora, kumalat ang mga hashtag sa Twitter na #IStandWithSec Tugade at #ResignGracePoe.
Tila nauubusan na ng dahilan ang senadora kung bakit siya tutol na tutol sa matagal nang hiling ng administrasyon. Hanggang ngayon, pending pa rin sa Senado ang Emergency Powers Act o Senate Bill No. 213.
Tila ginamit ni Sen. Poe ang kanyang posisyon bilang chair ng Public Services Committee ng Senado para mamatay ang panukalang ito.
Nabansagan tuloy siyang “tradpol” na panay pamomolitika ang alam gawin, puro dakdak, pero wala namang ibinibigay na ibang solusyon.
Noong una, sinasabi niyang wala raw mga plano ang Department of Transportation (DOTr) para sa problema sa trapiko kaya tutol siya. Pero ang totoo, maraming plano at programa ang DOTr na naisumite sa kanya.
Ngayon naman, hinihingi niya ang pagbibitiw ni Sec. Tugade dahil daw “underperforming” ito. Siyempre, nainsulto ang kalihim na kilalang isa sa mga pinakamasipag magtrabaho sa gabinete ng administrasyong Duterte.
Bumanat din si Sec. Tugade at sinabing ginagamit lang ng senadora ang isyu ng trapiko para sa kanyang patuloy na pangangampanya para makaupo sa Palasyo.
Matatandaang, tumakbo sa pagka-pangulo si Sen. Poe noong 2016 kung saan natalo siya ni Pangulong Duterte.
“Alam naman nating pumoporma si Madam Grace para sa pagka-pangulo na naman. Huwag nang ipagkaila ‘yan, ‘yun ‘yung porma niya. Ginagawa niyang plataporma ang transportasyon sa Senado para ito ‘yung “thriller” para ganyan, marinig siya,” sabi ni Tugade.
Matatandaang, 2016 pa lang, hinihiling na ng administrasyong Duterte ang “emergency powers” para mabilis na masolusyunan ang problema sa trapiko.
Kung sinuportahan lang ni Sen. Poe ang hiling na ito, posibleng mabilis na ang daloy ng mga sasakyan sa EDSA.
Hindi tulad ngayon na parang pagong ang bawat sasakyan na dumaraan doon kung saan ilang oras ang binubuno ng mga motorista bago makatawid ng highway.
Ngayon ay umayaw na si Pangulong Duterte sa “emergency powers”. Huli na, kulang na ang panahon para magawa ang mga kailangang gawin para sa EDSA.
Matagal ang pagpapasa ng batas, aabutin ng isang taon tapos may isyu pa ng paglalagay nito sa badyet na batas din.
Sa tingin natin, talagang ayaw ibigay ng senadora ang “emergency powers” sa pangulo. Takot lang niya na magtatagumpay nang husto sina Pangulong Duterte at Sec. Tugade sa kanilang proyekto.
Maling-mali ang prayoridad ng senadora, hindi niya naisip na mas babango ang pangalan niya kung uunahin niya ang interes ng sambayanan.
Nagtataka pa ba kayo kung bakit siya nabansagan na “ampaw” ng mga netizen?
Ipinaliwanag ni Pangulong Duterte na para maayos ang problema sa EDSA, kailangan ng gobyerno ng dagdag-kapangyarihan at pondo. “Hinihingi ang emergency powers, pero heto ang babae (na humarang), atrebida ang tawag ko riyan,” sabi ng pangulo.





Comments