Loob at labas ng Bilibid, kontrolado ng mga drug lord, saklap!
- BULGAR

- Sep 16, 2019
- 2 min read
Kamakailan, may kasama kami sa sasakyan na nagtanong kung bakit walang mga traffic enforcer sa dis-oras ng gabi, gayung may mangilan-ngilan pa rin namang sasakyan sa kalsada.
Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) ba ay may oras lang para ayusin ang trapiko sa Metro Manila?
Dahil wala kaming makitang kahit isang awtoridad na nagmamando ng trapiko maging sa mga malalaking intersection, wala tuloy kaming maisagot sa kasama namin. Tila ito ang oras ng mga motorista sa kalsada na “bahala na kayong lahat.”
Wala rin daw mga traffic enforcer na nakatayo sa kalagitnaan ng kalsada sa Amerika kung saan galing ang kasama namin dahil sumusunod sila sa mga karaniwang batas-trapiko.
May dumarating daw na awtoridad kapag may aksidente at hindi umaalis ang mga ito hangga’t hindi nawawala ang sagabal sa trapiko.
Baka malayo pa tayo sa ganyang sistema dahil sa atin, kapag may bantay lang, may disiplina at “mababait” ang mga motorista, pero kapag wala, naglalabasan na ang mga sungay ng mga pasaway.
◘◘◘
Tila naging misteryo ang pagtapon ng mga patay na baboy sa Quezon City. Labing-isang baboy ang natagpuan sa Bagong Silangan, Quezon City.
Sa Marikina naman, mahigit 40 patay na baboy na ang nakuha sa Marikina River. Positibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga baboy sa Quezon City.
Ang ASF ay walang bakuna at gamot kaya peligroso ito para sa mga baboy. Sa ngayon, wala pa tayong balita kung sino o saan galing ang mga baboy na itinapon na lang basta sa mga ilog, pero nangako ang mga lokal na opisyal na mananagot ang mga ito.
At dahil wala naman umanong babuyan sa Metro Manila, sa karatig na lugar sisimulan ang imbestigasyon.
Ayon sa mga kinauukulan, makabubuti kung ibabaon sa lupa ang mga patay na baboy para hindi kumalat ang sakit, pero dahil hindi sapat ang kaalaman ng lahat, dapat humingi ng tulong sa kanila at sila na ang gagawa nito.
Bagama’t, walang dapat ipangamba ang mamamayan dahil hindi raw naihahawa sa tao ang ASF, siguradong malaki ang magiging epekto nito sa hog industry kung hindi ito agad matutugunan.
Tila naglalabasan na ang mga sakit — dengue, measles at polio sa mga tao at ngayon, may ASF na rin sa mga baboy.





Comments