Animan ng NU Lady bulldogs, pumoste ng 4th win sa UAAP
- BULGAR

- Sep 16, 2019
- 1 min read

Ipinoste ng National University ang ika-4 na sunod nilang panalo kahapon sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament matapos ang 90-48 na paggapi nila sa University of Santo Tomas sa Mall of Asia Arena.
Humalimaw ang Season 80 MVP na si Jack Animam sa gitna ng laro para sa Lady Bulldogs sa itinala nitong 19 puntos, 14 rebounds, 3 assists at 3 ring blocks upang pamunuan ang koponan sa paghatak ng kanilang historic unbeaten streak hanggang 84 straight games. Pinamunuan ni Animam ang 20-7 na simula ng NU na tumaas pa sa 50-21 sa pagsapit ng halftime. “I just told the girls to start stronger. You got to be consistent,” wika ni NU coach Patrick Aquino. Lumobo pa hanggang 47 ang kalamangan ng Lady Bulldogs, 87-40, kasunod ng basket ni Mikka Cacho may 2:06 pang nalalabi sa laro.
Ngunit sa kabila nito, hindi itinago ni Aquino ang paghanga sa UST Tigresses. “Siguro ito ang magiging rival namin. UST is going to be a tough team to beat. They’re always there and they bring out the best in us. Maybe na-challenge din ‘yung girls sa game na ito, “ ayon pa kay Aquino. Namuno naman si Lon Rivera para sa Golden Tigresses sa itinala nitong 11 puntos. Sa isa pang laban, naiposte ng Adamson ang unang back-to-back win makaraang pasadsarin ang University of the Philippines, 100-74.
Nagsanib-puwersa sina rookie Novie Ornopia na may 23 puntos, 7 rebounds, 2 steals, at isang block at ang beteranong si Mar Prado na may 20 puntos, 9 rebounds, 7 assists, 6 steals, at isang block upang manguna sa naturang panalo. (VA)





Comments