top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga pasaway na mayor na hindi naglinis ng mga kalsada, pangalanan!

  • Ryan B. Sison
  • Sep 15, 2019
  • 2 min read

Matapos ipag-utos ni Pangulong Rod­rigo Duterte sa mga lokal na pamahalaan na linisin at tanggalin ang lahat ng nakasa­sagabal sa mga kalsada, kani-kanyang pasikat at dis­karte ang local government units (LGUs).

Sa Memorandum Circular 2019-121 na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG), may 60 araw ang mga LGU para linisin ang mga kalsada na nagsimula noong Hulyo 30, 2019.

Hindi pa man tapos ang deadline ng clea­ring operations, nilinaw na ng DILG na hindi pa nila maidedeklara ang mga LGU na hindi sumunod sa kautusan.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng DILG na wala pa silang listahan ng mga tumalima sa pag-aalis ng lahat ng sagabal sa kani-kanilang kalsada sa loob ng 60 araw.

Dagdag pa rito, isasagawa ang assessment sa LGUs pagkatapos ng ipinataw na dead­line.

Ipinag-utos na ni DILG Secretary Eduardo Año sa kanilang validation teams na suriing mabuti kung sumunod ang mga LGU sa kanilang kautusan hinggil sa paglilinis ng mga kalsada.

Nagpaalala ang kagawaran sa lahat ng LGUs na ipagpatuloy ang kanilang ikinasang clearing operations bago ang deadline.

Matatandaang, matatapos ang 60 araw ng clearing operations ngayong ika-29 ng Setyembre.

Samantala, hamon ng mga residente sa DILG, isapubliko ang pangalan ng LGUs na bigong sumunod sa kautusan ng pangulo.

Sa totoo lang, hindi na kailangan pang utusan ang mga opisyal ng lokal na pamaha­laan dahil responsibilidad ng mga ito na pa­natilihing malinis ang kanilang nasasa­ku­pan kaya panawagan sa mga kinauukulan, mga pasaway na mayor, pangalanan!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page