top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Karapatan ng mga guro sa pampublikong paaralan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 15, 2019
  • 3 min read

Ang pagiging guro ay maituturing na dakilang pro­pes­yon. Bukod sa tiyaga ay kailangan din ng napa­kahabang pasensiya sa pagtuturo upang maipaintindi sa mga mag-aaral ang mga bagay na dapat nilang matutunan sa kanilang murang edad. Hindi matata­waran ang kadakilaan ng propesyong ito. Dahil dito, ipinasa ang Republic Act (R.A.) No. 4670 o mas kilala na Magna Carta for Public School Teachers upang bigyang-proteksiyon ang mga guro na naglilingkod sa pampublikong paaralan maliban sa mga professorial staff ng state colleges at universities.

Nakasaad sa deklarasyon ng polisiya ng naturang batas ang mga sumusunod:

“It is hereby declared to be the policy of this Act to promote and improve the social and economic status of public school teachers, their living and working conditions, their terms of employment and career prospects in order that they may compare favorably with existing opportunities in other walks of life, attract and retain in the teaching profession more people with the proper qualifications, it being recognized that advance in education depends on the qualifications and ability of the teaching staff and that education is an essential factor in the economic growth of the nation as a productive investment of vital importance.”

Makikita sa polisiya ng nasabing batas na may layunin ang estado na pagandahin ang sosyal at ekonomikong estado ng bawat guro, pagandahin ang kanilang kondisyon sa kanilang pagtatrabaho para maipantay sila sa mga kasalukuyang oportunidad na nakaabang sa iba pang klase ng propesyon. Taglay din nito ang mga karapatan tulad ng karapatang magkaroon ng seguridad sa panunungkulan (security of tenure). Ang pagkakaroon ng security of tenure ay karapatan na magkaroon ng kasiguruhan sa kanilang pinagtatrabahuhan at hindi sila maaaring tanggalin maliban na lamang kung mayroong just o authorized cause.

Ang permanenteng guro ay hindi rin maaaring ilipat sa ibang lugar kapag wala itong pahintulot, maliban na lamang kung dahil sa tawag ng tungkulin ay kinaka­ilangan siyang mailipat sa ibang lugar para magturo. Ang nasabing paglipat ay maaaring bigyan ng epekto ng school superintendent kapag nasabi­han na ang guro at naipaalam sa kanya ang dahilan ng kanyang paglilipat. Kapag may alinlangan ang guro sa dahilan ng kanyang paglilipat ay maaari niyang iapela ang kanyang kaso sa Director of Public Schools o Director of Vocational Education. Habang pinag-aaralan ang kanyang apela ay pansa­mantalang ipagpapaliban ang paglilipat ng guro. Subalit, walang mangyayaring paglilipat sa loob ng tatlong buwan bago ang local o national elections.

Kapag ang permanenteng guro ay sinampahan ng kasong adminis­tratibo, siya ay may karapatang mapa­dalhan ng notice in writing kung ano ang ikina­kaso laban sa kanya. Siya rin ay may karapatang magkaroon ng kalayaang masuri ang mga ebidensiyang inihain laban sa kanya. Tulad sa ibang kaso, siya rin ay may karapatang depensahan ang kanyang sarili at kung may desisyon nang nailabas laban sa kanya ay may karapatan siyang iapela ang nasabing desisyon.

Ayon sa Section 13 ng nabanggit na batas, ang guro ay hindi dapat bigyan ng higit sa anim na oras sa bawat araw na pagtuturo sa silid-aralan. Subalit, kung kinakailangan niyang magtrabaho ng higit sa anim na oras, maaari itong gawin, pero hindi mas mataas sa walong oras sa bawat araw. Ang nasabing labis na oras ay dapat mabayaran ng pare­hong halaga ng kanyang suweldo at karagdagang 25% ng kanyang suweldo. Ito ay para mabigyan siya ng pagka­kataong makapaghanda ng kanyang leksiyon at iba pang gawain na may kinalaman sa kanyang pagtuturo.

Tulad ng ibang ahensiya ng pamaha­laan, ang mga guro ay mayroong karapa­tang makisapi sa legal na organisasyon upang madepensahan ang kanilang mga interes. Ang pagpaparanas ng diskrimi­nasyon sa mga gurong kasapi at sasapi sa lehitimong organisasyon ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas.

Bukod pa rito, ang mga guro ay may karapatan ding magkaroon ng study leave at retirement benefits. Subalit, ang study leave ay maaaring magamit lamang kapag ang guro ay may pitong taon na sa serbisyo. Ito ay hindi hihigit sa isang school year. Habang nakaliban ang guro, siya ay sasahod ng hindi bababa sa 60% ng kanyang buwanang suweldo. Ang haba ng nasabing study leave ay hindi dapat hihigit sa isang taon maliban na lamang kung kinakailangan niya ng isa pang semestre para tapusin ang kanyang thesis na kinakailangan sa graduate studies o iba pang allied courses. Kung ang study leave ay lalampas ng isang taon, walang mata­tanggap na kom­pensasyon ang guro para sa nasabing mga araw.

Ang mga guro sa pampublikong paaralan na umabot na sa retirement age at service requirements ng mga dapat na batas ay tatanggap ng one range salary raise upon retirement na magiging basehan para sa pagkuku­wenta ng lump sum ng retirement pay at monthly benefits para sa nasabing mga guro.

Higit sa lahat, ang mga guro ay binibigyan ng academic freedom o laya na isagawa ang kanilang tungkulin bilang mga guro, partikular na kung paano sila magturo sa kanilang mga silid-aralan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page