PNP: mahalaga ang seguridad ng mga atleta sa Sea games
- Gerard Arce
- Sep 14, 2019
- 2 min read

Tututukang maigi ng mga hanay ng kapulisan ang seguridad ng mga atleta upang mailayo ang mga ito sa panganib sa nalalapit na pagbubukas ng 30th Southeast Asian Games (SEAG) sa bansa simula Nob. 30 hanggang Disyembre 11.
Siniguro ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na walang anumang naka-ambang na banta sa seguridad ng pagdarausan ng biennial meet sa bansa habang nanatiling alerto ang mga kapulisan.
Idinagdag rin ng dating opisyales ng United Nations na patuloy nilang babantayan ang 10 kalahok na bansa na nakatakdang sumabak para sa pampalakasang rehiyon sa Asya na ginaganap kada dalawang taon sa iba’t ibang panig ng Luzon. “We’re making sure that the PNP is in full alert in securing our delegates and we will be very vigilant in all aspects in order to prevent any incident that will occur during the said event,” wika ni Banac, na nagsilbing technical adviser sa UN police sa Ivory Coast mula 2005 hanggang 2007 at operations and planning officer sa Kosovo mula 2008-2009.
“Mahalaga para sa atin na mapanatili ang peace and order in all the venues,” dagdag ng dating Philippine Military Academy (PMA) class of 1992 alumna na sinabi ring isinasalang-alang ng kapulisan ang kaligtasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang magiging panauhing pandangal para sa naturang event.
Aabot sa 15,000 kapulisan ang itatalaga mula sa Police Regional Office-3 (PRO-3) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ipapakalat para magbantay sa mga paggaganapan ng mga laro sa iba’t ibang bahagi ng Luzon kabilang na ang Metro Manila, Clark sa Pampanga, Subic, Zambales, La Union, Batangas at Tagaytay. Ang mga ito ay magsisilbing taga-bantay sa 12-araw na kompetisyon na lalahukan ng 11-ASEAN nation na darayo sa bansa.





Comments