Wim Fronda, nag-reyna sa National grand final
- Eddie M. Paez, Jr.
- Sep 13, 2019
- 1 min read

Pinasuko ni Woman International Master Jan Jodylin Fronda si Woman FIDE Master Jia Allaney Doroy sa round 13 tungo sa pag-angkin ng trono ng 2019 National Women’s Championships Grand Finals - Standard Chess na ginanap sa Project 6, Lungsod ng Quezon.
Ang tagumpay sa huling round ni Fronda tangan ang mga itim na piyesa ay nagbigay sa kanya ng kabuuang 9.5 puntos sa maigting na bakbakan ng mga pangunahing lady chess warriors sa Pilipinas. Nakakuha ang kampeon ng + 4.8 FIDE rating points.
Kasama sa mga hinugutan ng mga panalo ng manlalarong may rating na 2147 ay sina WIM Kyle Joy Mordido (round 10), WIM Mikee Charlene Suede (round 12), Biazza Natorri Diaz (round 3), Rizalyn Jasmine Tejada (round 4) at May Ann Alcantara (round 5).
Nakipaghatian din ng puntos ang 25-anyos na si Fronda kina WIM Bernadette Galas (round 1), WIM Marie Antoinette San Diego (round 2), Woman Grandmaster Janelle Mae Grayna (round 6), Woman Candidate Master Mira Mirano (round 7), WFM Shania Mae Mendoza (round 8), WIM Catherine Secopito (round 9) at untitled Samantha Babila Umayan (round 11).
Kalahating puntos sa likod ng kampeon ay sina Mendoza, Frayna at San Diego. Nang pairalin ang tiebreak na batayan, segunda si Mendoza at si Frayna ang humablot ng huling upuan sa podium. Napunta kina San Diego at Secopito ang pang-apat at panglimang puwesto ayon sa pagkakasunod.
Sa unang limang finishers, si Fronda lang ang manlalarong hindi nakatikim ng pagkatalo sa paligsahang isinaayos ng National Chess Federation of the Philippines at kung saan tumayong Tournament Director si GM Jayson Gonzales.





Comments