Solusyon ni P-Digong sa matinding trapiko, hinaharang ni Sen. Poe

Matapos lumabas ang balita na dahil sa matinding trapiko sa EDSA ay maraming pasyenteng lulan ng ambulansiya ang namamatay dahil hindi na umaabot sa ospital na ang sinisisi sa masamang sitwasyong ito ay walang iba kundi ang ilang taon nang pagbara sa hiling ng Malacañang na bigyan ng “emergency powers” si Pangulong Rodrigo Duterte para mabilis maresolba ang problema ng trapiko.
Ayon kay Senadora Grace Poe, hindi raw nagsusumite ng malinaw na plano ang Department of Transportation (DOTr) kung paano gagamitin ang kapangyarihang ito.
Hindi ‘yan totoo dahil matagal nang nagbigay ang DOTr sa Senado ng mga plano nitong proyekto para maibsan ang napakabigat na trapiko sa EDSA at karatig nitong lugar sa Metro Manila.
Palagay natin, kahit ano pa ang ibigay na dokumento ng DOTr o Palasyo sa senadora ay hindi ito masisiyahan. Siguradong may pintas at banat pa rin ito na baka may korupsiyong magaganap kung bibigyan ng emergency powers ang pangulo. Tsk!
Masyadong namomolitika ang senadora, malayo pa ang eleksiyon (2022 pa ‘yun), pero astang ‘pangulo’ na. Bakit hindi muna ninyo tulungan ang bayan?
May panukalang-batas nang nai-file sa Kongreso para bigyan ng sapat na kapangyarihan ang pangulo upang mapabilis ang paglutas sa matinding trapiko sa bansa.
Mahalagang maresolba agad ang trapiko, bilyones ang nawawala sa ating ekonomiya dahil sa pagkaipit ng mga tao sa trapiko. Mabagal ang dating ng mga supply at iba pang gamit para sa negosyo at nasisira ang trabaho ng karamihan.
Dagdag pa ang lumabas na balitang maraming pasyente na lulan ng ambulansiya ang namamatay sa daan dahil hindi na ito nakararating sa ospital. Hindi ba nakukonsensiya rito ang mga pulpol na mambabatas?
Lahat ng mga Pinoy na dumaraan sa EDSA, motorista man o pasahero ay talagang naiipit nang ilang oras, ‘yung mapapamura na lang sila dahil wala naman silang magagawa kundi ang magpasensiya kahit paulit-ulit na lang, hays!
Naipasa na sa Kongreso ang batas na naglalayong magbigay ng emergency powers kay Pangulong Duterte, pero sa Senado, hinarang ito ni Sen. Poe bilang chair ng Senate Committee on Public Services.
Panay patawag ng hearing para kunwari ay may ginagawa, ang pambabara ay hindi trabaho. Bakit hindi maglabas ng sarili niyang solusyon ang senadora kung ayaw niya ang planong isinumite ng DOTr?
Siyempre, kapag nagtagumpay ang proyekto ng administrasyong Duterte para maayos ang matinding trapik sa EDSA ay lalong magiging popular ang pangulo.
Kung ngayon, 80 porsiyento ng mga Pilipino ang aprub sa pangulo, baka kapag nasolusyunan ang problema sa trapiko sa EDSA ay magiging 100 porsiyento na ito.
Malamang, ito ang ayaw mangyari ng mga ‘epal’. May balak bang tumakbo sa pagka-pangulo ang senadora kahit pa natalo ito ni Pangulong Duterte noong 2016?
Sa ngayon, sa lakas ng pangulo sa mamamayan, kahit sino ang kanyang suportahan bilang kandidato sa pagka-pangulo sa 2022, malaki ang tsansa nitong manalo.
Hindi siguro nakikita ng senadora na kapag sinuportahan niya ang mga proyekto ng administrasyong Duterte ay baka bumango pa ang kanyang reputasyon.
‘Ika nga ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dahil umpisa pa lang ay hinarang na ng senadora ang emergency powers na makatutulong para maresolba ang problema ng trapiko sa bansa, hindi ito makakalimutan ng mga tao.“Dahil kinontra niya ‘yun, balang-araw ay babalikan siya,” sabi ni Panelo.
Mariin ding sinagot ng pangulo ang paratang ng senadora na maaaring magkaroon ng korupsiyon sa pagbibigay ng emergency poers. “Hindi lahat ng tao sa mundong ito ay magnanakaw,” wika nito.





Comments