UAAP: Ravena at Irebu, bumida sa Ateneo at Lady Tigresses
- BULGAR

- Sep 12, 2019
- 2 min read

GAYA ng inaasahan, matindi ang naging laban ng dating dalawang nangingibabaw na koponang Ateneo at UST para sa maagang pamumuno sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament kahapon sa Araneta Coliseum.
Sa huli, lumutang ang lamang na championship experience ng Blue Eagles at inungusan nito ang Tigers, 71-70, para makamit ang ikatlong sunod nilang panalo at solong pamumuno.
Gayunman, hindi maitatatwang dumaan sa butas ng karayom ang Ateneo dahil sa “run and gun game” ng UST sa kabuuang halos ng laro.
Lamang pa ang Tigers ng tatlo, 67-64 may natitira pang tatlong minuto sa laban bago ito kinalos sa isa’t isa ni Thirdy Ravena hanggang sa tuluyan nilang kabugin ang lamang matapos ang follow-up ni Angelo Kouame sa sumablay na jumper ni Ravena.
Hindi na nakapagbuslo pa mula roon ng field goal ang Ateneo ngunit sa freethrow line nila kinuha ang panalo sa pamamagitan nina Ravena at Matt Nieto.
Nanguna si Ravena sa panalo ng Blue Eagles sa isinalansan na 17 puntos, 10 rebounds, 2 assists at 2 ring steals, kasunod si Kouame na may double-double 11 puntos at 10 rebounds, bukod pa sa 2 blocks. Nagtapos na topscorer sa kampo ng Tigers na bumagsak sa 2-1, panalo-talong baraha si Chabi Yo na may 25 puntos, 13 rebounds, 2 assists at 2 ding blocks.
Samantala, tumapos ang reigning MVP na si Grace Irebu na may 33 puntos para pamunuan sa pag-angkin ng ikatlong sunod nilang panalo ang UST sa pamamagitan ng 91-73 pagdomina sa Ateneo kahapon sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Nagposte si Irebu ng 12-of-20 shooting sa field na dinagdagan pa ng 13 rebounds at 2 blocks upang mamuno ang Tigresses na may malinis na kartadang 3-0. “This year is gonna be different. My first objective is I want to bring my team to the finals,” wika ng Tigresses Congolese center. (VA)





Comments