Bilang ng likes sa FB, itatago na para hindi makasira ng pag-iisip
- Ryan B. Sison
- Sep 12, 2019
- 2 min read

HINDI na ipakikita ang bilang ng mga like sa posts.
Ito ang pinag-aaralan ng Facebook dahil ang bilang ng likes o reacts na umano ang nagiging basehan ng pagiging katanggap-tanggap sa internet, gayundin, nakararamdam ng sense of validation ang user kapag nakakukuha ng maraming likes.
Paliwanag ng mga eksperto, ang pagkahumaling sa “likes” na nakukuha sa post ay natural na reaksiyon ng utak dahil sa satisfaction mula rito.
Partikular umano ito sa mga indibidwal na hindi nakakukuha ng ganitong pagtanggap mula sa mga kaibigan o pamilya kaya kapag nakukuha nila ito sa socmed, dito pumapasok ang pagiging conscious sa bilang ng likes o reacts.
Ayon sa social media giant, ang epektong ito ay hindi dapat makuha ng users kaya pinag-aaralan na nila ang pagtatago ng bilang ng likes sa mga post.
Sa hakbang na ito, inaasahang mababawasan ang pressure na makakuha ng maraming likes gayundin, para magpokus ang netizens sa content o nilalaman ng post.
Base sa social media statistics ng Hootsuite at We Are Social, ngayong 2019, 76 milyong Pinoy ang aktibo sa social media kung saan apat na oras o higit pa kada araw ang inilalaan ng mga ito, partikular sa Facebook.
Sa totoo lang, wa’ ‘wenta ang maraming likes o comments para maramdaman nating katanggap-tanggap ang ating socmed post dahil hindi natin kailangan ng validation mula sa ibang tao.
Tandaan, lahat ng nakikita sa socmed ay ‘filtered’ at hindi nito sinasalamin ang totoong kuwento ng buhay ng mga nagpo-post kaya tama lang na huwag nang ipakita ang bilang ng likes dahil hindi naman ito mahalaga.
‘Ika nga, aanhin pa ang napakaraming likes sa FB kung hindi ito magagamit sa totoong buhay?
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments