NCAA: Red Lions at Pirates,nanakmal at nagpasuko

SINIMULAN ng defending champion San Beda University ang pangalawang round ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa pagsungkit ng kanilang ika-10 sunod na panalo. Dinurog ng Red Lions ang Emilio Aguinaldo College Generals, 98-66 kahapon sa FilOil Flying V Centre.
Dikit ang laro matapos ang unang quarter, 16-14. Humigpit ang depensa at siyam na puntos lang ang nagawa ng Generals sa pangalawang quarter at lumayo ng tuluyan ang Red Lions, 54-23. Parehong nag-ambag ng tig-13 puntos sina Evan Nelle, Clint Doliguez at Donald Tankoua. Sinundan sila nina AC Soberano at Calvin Oftana na may tig-12 puntos. Wala itong pinagkaiba sa una nilang laban noong Hulyo 18 bilang bahagi ng “NCAA On Tour”. Dumayo ang San Beda sa tahanan ng EAC at nagwagi, 89-72.
Sa pangalawang laro,nagising ang Lyceum Pirates sa second half upang iligpit ang season host Arellano Chiefs, 93-90. Nakaganti ang Pirates sa kanilang pagkatalo sa Chiefs, 81-87, noong Agosto 23. Namuno sa panalo ng Lyceum si Mike Harry Nzeusseu na may 23 puntos. Nagsama para sa 12 at 10 puntos ang kambal na sina Jaycee and Jayvee Marcelino.
Samantala, ginantimpalaan ang unang mga kampeon ng NCAA sa taong ito matapos makuha ng San Beda ang tripleng kampeonato sa Table Tennis para sa kalalakihan, kababaihan at Juniors sa Jose Rizal University Gym noong Linggo. Nagwagi ang Lady Red Paddlers sa College of Saint Benilde habang parehong binigo ng Red Paddlers at Junior Red Paddlers ang University of Perpetual Help System-Dalta.





Comments