Gordon: Mga opisyal ng bucor na inimbestigahan sa Senado, puro sinungaling!
- BULGAR

- Sep 11, 2019
- 1 min read
“PURO sinungaling.” Ito ang pahayag ni Sen. Richard Gordon sa patuloy na pagdinig sa Senado hinggil sa pagbebenta ng maagang kalayaan sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sinita ni Sen. Gordon sina Corrections Officer III Veronica Buño at Corrections Senior Insp. Mabel Bansil na parehong burado ang call history sa kani-kanilang telepono. Bakit mo naman buburahin ang ‘call history’ sa iyong telepono kung wala kang itinatago, hindi ba?
Mahirap paniwalaang “nakaugalian” lang daw nila ang magbura ng ‘call history’. Karamihan sa atin, wala namang pakialam o hindi masyadong pinapansin ang ‘call log’, maliban na lang kung may sikreto, halimbawa, numero ng babae sa cellphone ng lalaking may asawa. Nagkataon lang ba na parehong burado ang records ng dalawang sumasailalim sa imbestigasyon? Siguro, kailangang i-subpoena ang records na ‘yan na kayang gawin ng mga telco. Siguraduhin lang na sa legal na pamamaraan.
◘◘◘
Kumilos na ang Ombudsman, sinuspinde nang anim na buwan ang 27 opisyales ng Bureau of Corrections dahil sa pagpapalaya sa mga kriminal na napan ng “heinous crimes” sa ilalim ng kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Ayon sa Ombudsman, kakasuhan din sila ng grave misconduct, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Ganu’n? Bakit anim na buwan lang ang suspensiyon? Hindi ba, dapat mas mahaba dahil mabigat ang kanilang mga kaso? At ang pinakaimportanteng tanong, kakasuhan din ba si dating BuCor Chief Nicanor Faeldon o lusot na naman tulad ng naganap sa Bureau of Customs kung saan bilyun-bilyong halaga ng illegal drugs (shabu) ang nakalusot sa ilalim ng kanyang pamumuno?





Comments