Training camp ng PHL Volleybelles apektado sa pag-atras ng players

ILAN sa mga manlalaro ng women’s volleyball team ang hindi makakasama sa mga unang araw ng nakatakdang schedule nito para sa 12-day training camp sa Thailand, maging sa torneong lalahukan nito.
Susunod na lang sina dating UAAP MVP Alyssa Valdez at Jia Morado ng Creamline, Maddie Madayag ng Choco Mucho, Eya Laure ng UST at Jovelyn Gonzaga ng Pacific Town Army sa Setyembre 15 dahil may mga nauna nang commitments ang mga ito sa kanilang mga koponan sa Philippine Volleyball League. Ayon naman sa report, hindi pinayagang makasama ng kanyang PVL team na Motolite si Fil-American setter na si Iris Tolenada hanggang sa kabuuan ng ASEAN Grand Prix sa Thailand na magbubukas sa Set. 20 sa Nakhon Ratchasima dahil sa on-going ang Season 3 Open Conference.
Nauna ng nagtungo sa Thailand ang grupo nina coach Shaq Delos Santos para sa light training gayundin ang ilang tune up games nito laban sa U23 ng national team ng Thailand. Sasabak din ang pambansang koponan laban sa malulupit na miyembro ng seniors team ng Thailand ngayong araw sa Sports Authority of Thailand Gym. Makakatapat ng Pinay volleybelles ang Bangkok University team sa Huwebes (Set. 12) at ang 2018-19 All-Japan Kurowashiki champion na Toray Arrows sa linggo (Set. 15). Nasa Thailand na Ang mga miyembrong binubuo nina Aby Maraño, Kalei Mau, Alohi Robins-Hardy, Aiza Maizo-Pontillas, Mylene Paat, Majoy Baron, Ces Molina, Roselyn Doria, Dawn Macandili at Kath Arado. Noong nakaraang linggo ay inanunsiyo na ang pag-atras ni Jaja Santiago sa koponan dahil sa hindi pagpayag ng koponan nito sa Japan sa V. Premier League Club na Ageo Medics. Nauna na ring umatras sa koponan sina Creamline member Jemma Galanza at Celine Domingo, Tots Carlos ng Motolite, Angel Cayuna at Jerrili Malabanan.





Comments