Sirena ng ambulansiya, wa’ ‘wenta dahil ayaw bigyang-daan
- Ryan B. Sison
- Sep 10, 2019
- 2 min read

Sa paglala ng trapik sa Metro Manila, parami nang parami ang nababahala.
Kamakailan, nagpahayag ng pagkabahala ang mga eksperto sa medical field hinggil dito dahil anila, natatagalang makarating ang ambulansiya sa pinakamalapit na ospital kapag naiipit sa trapik.
Dagdag pa rito, wala umanong special lanes para sa mga emergency vehicle, outdated na imprastruktura at may motoristang ayaw magbigay-daan.
Nagbahagi ng ilang karanasan ang mga nagtatrabaho sa medical field kung saan ayon sa driver at paramedic na si Joseph Laylo, tila nawalan siya ng tsansang gawin ang lahat kahit may kakayahan siyang tumulong.
Dagdag pa niya, kung hindi malala ang trapik, maaari pang maisalba ang buhay ng pasyente at hindi umano sapat ang kaalaman sa mga shortcut at agresibong pagmamaneho para makarating agad sa ospital.
Samantala, sa kuwento ng isa pang driver ng ambulansiya na si Adriel Aragon, hindi niya malilimutan nang mamatay ang pasyente na sakay niya matapos abutin nang 40 minuto ang biyahe papuntang ospital na dapat ay 20 minuto lang.
Wa’ ‘wenta umano ang busina at sirena dahil hindi gumalaw ang mga sasakyan sa kalsadang dinaraanan.
Nakalulungkot na ilang buhay na ang nasayang dahil sa trapik at kawalan ng disiplina ng ilan.
Sa totoo lang, hindi masasayang ang mga nawalang buhay kung lahat tayo ay may malasakit, magbibigayan at magtutulungan.
Wala pa mang nakikitang solusyon sa trapik ang pamahalaan, sana, tayong mga motorista ay magkaisa para hindi na maulit ang ganitong insidente.
Pare-pareho tayong may dapat puntahan pero, sana, kahit gaano katindi ang trapik, magbigay-daan tayo sa mga nangangailangan dahil hindi na natin maibabalik ang buhay na maaaring mawala kung magiging makasarili tayo.
‘Ika nga, lahat tayo ay may kakayahang tumulong kaya gawin natin ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments