Planta pinasok, binuhusan ng gasolina.. Tabloid, sinunog ng 4 na armado
- Gina Pleñago
- Sep 10, 2019
- 1 min read

PATULOY ang imbestigasyon sa naganap na panununog ng apat na suspek sa printing office ng pahayagang Abante sa Parañaque City, kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa inisyal na ulat, nagsimula ang sunog sa production area ng industrial printing press ng Abante na matatagpuan sa Fortunata Building 1, Vitalez Compound, Bgy. San Isidro, ala-1:57 ng madaling-araw.
Agad rumesponde ang mga pamatay-sunog sa lugar at nakontrol ang apoy alas-2:06 ng madaling-araw at tinatayang P50,000 ang natupok na ari-arian.
Samantala, naglabas naman ng pahayag ang pamunuan ng Abante News Group at mariing tinuligsa ang ginawang pag-atake at pagsunog ng apat na umano’y armadong lalaki na pawang nakamaskara.
Binuhusan umano ng gasolina bago sinilaban ang mga makina at nakaimbak na supply ng imprenta.
Anila, naisakatuparan ng mga suspek ang pag-atake sa loob lamang ng limang minuto. Kaugnay nito, dalawang empleyado ang sinasabing nasugatan sa insidente.
“The management and staff of Abante and Tonite condemn this dastardly attack, the first violent act against our group and its facilities since 1987. We will not be cowed by this attempt to strike fear into our reporters, editors and staff. Our commitment to hard-hitting journalism remains unshaken,” pahayag ni Abante Managing Editor Fernando Jadulco.





Comments