6th win, dadagitin ng Pasay; Bulacan at Makati, babawi
- BULGAR

- Sep 10, 2019
- 1 min read

SISIKAPIN ng Pasay na palawigin ang kanilang winning run sa anim na ulit sa sandaling makaharap na ang Parañaque sa main game ng MPBL Lakan Season sa Cuneta Astrodome.
Asahan ang suporta ng home crowd ng Pasay para sa sarili nilang Voyagers na nakapagtala ng 5 sunod na panalo. Target ngayon ng team na malagay sa 6th spot sa bigating northern division ng torneo.
Haharapin ng Voyagers ang Yabo Sports-Patriots na galing din sa inspiradong panalo kontra Batangas City Athletics ng nakaraang araw. Alas-9 ang oras ng laro. Noong nakaraang season, hindi sila nagkaroon ng tsansa na pumasok sa quarterfinal round pero umiigkas ngayon ang tikas nila sa ilalim ng bagong coach na si Keith Marlon Martin nang umibayo sa 8-5 win-loss ang card.
Para sa Patriots, ang panalo kontra Voyagers ang maglalabas sa kanilang kumpiyansa habang pakay ng squad ni coach Mike Saguiguit at playing team manager Jemal Vizcarra ang back-to-back na panalo. Hawak ng Parañaque ang 4-9 slate at ang panalo kontra Pasay ang maglalagay sa kanila sa patas na 11th to 12 spot sa Valenzuela.
Apat pang teams ang matutunghayan sa aksiyon sa triple header game schedule. Sisikapin ng Bulacan na naka-2 panalo sa ilalim ni coach Kerwin McCoy kontra Navotas sa umpisa ng laro ng 4 p.m. kasunod ng labanan sa pagitan ng Makati at Marikina ng 6:30 p.m.
Atat na ring makabalik sa panalo ang Makati nang talunin ng Bulacan na nais namang lupigin ang Marikina. Sa kabila ng pagkatalo sa nakaraang laro, hawak ng Super Crunch ang 9-2 mark sa northern division. (MC)





Comments