127 LGUs, buking ng COA.. P646-M budget kontra-kalamidad, nakatengga

NAKUKUWESTIYON ang mahigit 100 Local Government Units (LGUs) na bigong magamit ang kanilang pondo para sa Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM).
Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), maituturing na paglabag sa batas ang hindi paggamit ng pondo na kabuuang P646 milyon sa LDRRM at sa halip ay maaaring nagamit sa ibang bagay na hindi nauugnay sa kalamidad.
Sa 204 pahinang consolidated report ng COA tungkol sa anti-disaster fund noong 2018, 127 LGUs ang hindi nag-transfer ng kabuuang P546 milyon na unspent LDRRM funds sa Special Trust Fund na labag sa COA Circular no. 2012-12.
Ang Region 6 ang may pinakamalaking hindi nagamit na anti-disaster fund na P99.7 milyon at pangalawa ang National Capital Region (NCR)-Muntinlupa City na P88 milyon.
Kabilang sa mga rehiyon na may malaking unspent anti-disaster funds na hindi pa naililipat sa Special Trust Funds ay ang Region 5 (P67M), Region 1 (P65.3M) Region 7 (P60M), Region 4A (P57M), Region 2 (P43.6M), Region 3 (21M) Cordillera Administrative Region (P17.8M), Region 4B (P14.8M), Region 12 (P9.4M) at Bangsamoro Autonomous Region (P1.38M)
Ang pondo ng Bangsamoro Region ay inilaan sa Marawi City matapos itong salakayin ng Maute-ISIS Group mula noong Mayo hanggang Oktubre ng 2017.





Comments