Mga gov’t employee na todo-make-up, natutulog, nagtitinda at nagse-cellphone sa oras ng trabaho, kas

ABALA sa cellphone, pagme-make-up, pagtulog at pagbebenta ng mga beauty product sa oras ng trabaho.
Ito ang naispatan ng mga opisyal ng Civil Service Commission (CSC) sa isinagawang random inspection sa ilang opisina ng gobyerno sa Cebu City.
Dahil dito, naglabas ng memorandum si City Administrator Atty. Danilo Almendras na nagpapaalala sa mga hindi dapat gawin sa kalagitnaan ng office hours. Aniya, dapat pangatawanan ng mga kawani ng gobyerno ang pagsisilbi sa bayan.
Inatasan din ang city administrator na suriin kung sino ang mga kawani na naaktuhan ng CSC na may ibang pinagkakaabalahan habang office hours.
Ayon sa human resource ng CSC-7, mismong si Commissioner Aileen Lizada ang nagsagawa ng random inspection sa mga gov’t. office sa Metro Cebu.
May ilan ding naispatan na abala sa ibang bagay sa Cebu City Hall. Kabilang na rito ang kawani ng local board assessment na naaktuhang nagse-cellphone habang ang isa naman ay nagbebenta ng mga beauty product sa oras ng trabaho sa Srp management office.
Samantala, kung mapatutunayang guilty sa simple misconduct, maaari umanong masuspinde nang ilang araw ang kawani.
Ang pagtatrabaho sa gobyerno ay nangangahulugang pagsisilbi sa bayan pero, paano ito magagawa nang maayos kung abala sa ibang bagay ang mga kawani?
Hindi na bago ang ganitong isyu pero, bakit hindi pa rin natutuldukan?
May pangungunsinti bang nagaganap? Tsk!
‘Ika nga, may tamang oras para gawin ang mga personal na bagay at hindi iyon sa oras ng trabaho.
Kaya panawagan sa mga opisyal, maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga batas sa opisina at kung may pagkakamali, itama ito at huwag kunsintihin!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments