top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Alamin: Pagkakaiba ng bangko at SSS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 9, 2019
  • 2 min read

BUTI NA LANG MAY SSS

Dear SSS,

Magandang araw! Ano ang Social Security System? Katulad ba ito ng bangko? —Larry ng Kabankalan City

Sagot

Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat nagdiri­wang ang Social Security System (SSS) ngayong Setyembre ng kanyang ika-62 anibersaryo.

Bilang tugon sa iyong katanungan, magkaiba ang gampanin ng SSS at bangko. Ang SSS ay non-profit na institusyon at nilikha ng batas upang pangasiwaan ang pensiyon at social security benefits ng mga mang­gagawa na nasa pribadong sektor.

Samantala, ang bangko ay establisimyento na humahawak ng perang idineposito ng mga indibidwal at gamit ang perang ito upang ipautang sa mga negosyo at indibidwal.

Para sa inyong kaalaman, maraming benepisyo ang ipinagkakaloob ng SSS sa mga miyembro nito. Kabilang dito ang benepisyo para sa pagkakasakit, panganga­nak, pagka­baldado, pagreretiro, pagkamatay, pagpa­pali­bing at pagka­wala ng trabaho. Ipi­nagkakaloob ito sa mga miyembrong nakatugon sa mga kuwalipikasyon sa bawat benepisyo.

Ang mga benepis­yong ito ay hindi karaniwang ibinibigay ng mga bangko. Bukod pa rito, kapag ang indibidwal ay nakapag­hulog sa SSS, ha­bambuhay na siyang mi­yembro ng SSS ka­hit hindi na siya nakapag­patuloy sa paghuhulog ng kontribusyon.

Alinsunod sa Social Security Law, ang SSS ay mayroong government gua­rantee kung saan ginagarantiyahan ng pamahalaan ang kakayahan ng SSS na magbigay ng bene­pisyo sa mga miyem­bro at pensiyunado.

Ang SSS ay idinisenyo ayon sa de­fined benefit system. Sa ilalim ng siste­mang ito, ang SSS ay nagbibigay ng mga benepisyo tulad ng sickness at maternity allowance at pensiyon na kinukuwenta gamit ang bilang ng naihulog na kon­tribusyon at monthly sa­lary credit o ang antas ng suweldo ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.

Dito ibinabase ang halaga ng buwa­nang kontribusyon ng miyembro. Ito ay hindi na nakasalalay sa halaga ng kontri­busyon o in­vestment earnings ng SSS. Dahil dito, ang bawat manggagawa na nagiging miyembro ng SSS ay sigura­dong makatatanggap ng kauukulang benepisyo mula sa SSS.

Bukod pa sa mga nabanggit na benepisyo, nagkakaloob din ang SSS ng iba’t ibang pautang sa mga miyembro at pensiyunado tulad ng salary loan para sa mga miyembro at Pension Loan Pro­gram para sa mga pensi­yunado.

Nagka­kaloob din ang SSS ng tulong-pinansiyal sa mga miyembro at pensiyunado na naapektuhan ng mga kalamidad tulad ng Calamity Loan Assistance Program at Direct House Repair and/or Improvement Loan para sa mga miyembro at three-month advance pension para sa mga pensiyunado.

Ang kasalukuyang contribution rate sa SSS ay 12% batay sa monthly salary credit na ang pinakamataas ay P20,000. Ito ay higit na mas mababa kumpara sa Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga kawani ng pamaha­laan na may contribution rate na 21% batay sa aktuwal na suweldo.

Nawa’y nasagot namin ang inyong ka­tanungan.

◘◘◘

Nais nating ipaalam sa mga retiree pen­sioner na bukas ang Pension Loan Pro­­gram ng SSS para sa inyong panan­dali­ang panga­ngailangang pampinansi­yal. Inaanyayahan natin ang mga pensi­yuna­do na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakama­lapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page