St. Benilde at San Beda ‘di matibag ang porma sa PVL
- BULGAR

- Sep 8, 2019
- 2 min read

GINULAT ng College of St. Benilde ang reigning NCAA champion Arellano, 25-19, 25-15, 25-19 upang umangat sa solong ikalawang puwesto sa Group B.
Nagtala si Klarissa Abriam ng 17 puntos upang pamunuan ang upset win na nag-angat sa kanila sa markang 3-1 habang namuno sa natalong Lady Chiefs na bumaba sa patas na 2-2 rekord si Charmina Dino na nagposte ng 12 puntos.
Pinataob ng San Beda University ang University of Perpetual Help, sa loob ng tatlong dikit na sets, 25-18, 25-22, 25-17, kahapon sa pagpapatuloy ng 2019 PVL Collegiate Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Mula sa kabiguan sa kamay ng reigning UAAP champion Ateneo noong nakaraang linggo, bumawi ang Lady Red Spikers sa pamumuno ni Nieza Viray na hindi nakalaro sa unang tatlo nilang laban. Nagposte si Viray ng game-high 14 puntos mula sa 11 attacks, 2 service aces at isang block bukod pa sa 7 excellent receptions. Nakatuwang ni Viray si team skipper Cesca Racraquin na humataw ng 10 attacks at 2 aces bukod sa 10 excellent digs.
Nakatuwang nila si setter Lynne Matias na nagtala ng 19 excellent sets. Dahil sa panalo, umangat ang Lady Red Spikers sa ikatlong puwesto ng Pool A taglay ang patas na markang 2-2. Nanguna si Jhona Rosal para sa Lady Altas na bumagsak sa 1-3 rekord sa ipinoste niyang 11 puntos.
Sa ikalawang laban, nakapasok sa winner’s circle ang San Sebastian College matapos pataubin ang Letran 20-25, 25-22, 27-25, 26-24. Ang panalo na pinamunuan nina Bianca Ordona at Reyann Cañete na tumapos na may 14 at 12 puntos ayon sa pagkakasunod ang una ng Lady Stags matapos ang tatlong dikit na kabiguan. (VA)





Comments