Mga pasaway sa illegal parking, ito-towing at P6,000 multa!
- Ryan B. Sison
- Sep 8, 2019
- 2 min read

Tila hindi natitinag sa pagti-ticket lang ang mga nag-i-illegal parking sa arterial roads o ‘yung mga kalsadang dinaraanan papasok at palabas ng EDSA.
Dahil dito, plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (HPG) na paigtingin ang anti-illegal parking operations mula ngayong araw.
Magsasanib-puwersa ang dalawang grupo para masugpo ang mga suki sa illegal parking sa mga arterial road.
Ayon sa grupo, sisimulan ito sa tatlong barangay na umano’y notoryus sa illegal parking tulad ng Bgy. Bagong Lipunan, Bgy. San Roque at Bgy. Socorro. Anila, ito ang dahilan kaya lumalala ang trapiko sa bandang Santolan.
Aminado naman ang HPG na ang bilang ng mga sasakyan ang numero-unong rason, pero kabilang din ang mga pasaway na drayber kaya rito magpopokus ang dalawang grupo.
Samantala, aabot sa 200 HPG personnel ang aayuda sa MMDA habang 10 wreckers naman ang bibitbitin ng mga ito.
Nilinaw ng MMDA na ipato-tow nila ang mga sasakyan kapag lumagpas sa 5 minuto itong nakaparada habang titiketan lang kapag makararating ang may-ari nito sa loob ng 5 minuto.
Aabot sa mahigit P6,000 ang multa sa mga naka-illegal parking.
Bayad na, perhuwisyo pa. Tsk-tsk-tsk!
Sa totoo lang, hindi na kailangang magkahilahan pa ng sasakyan para tuluyang malinis ang mga kalsada mula sa illegal parking dahil disiplina lang ang kailangan para magawa ito.
Kunsabagay, mas gusto ng karamihan na maabala muna bago tuluyang magtanda.
Para sa mga suki ng illegal parking, huwag n’yo nang hintayin na ma-tow ang sasakyan o matiketan dahil puwede itong maiwasan kung magiging disiplinado kayo.
‘Ika nga, ang pagbabago at kaayusan ng bansa ay dapat magsimula sa mamamayan kaya panawagan sa lahat, huwag maging pasaway at mga batas-trapiko, huwag dedmahin!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.




Comments