Wa’ “K” lumaya.. Ex-Mayor Sanchez, may TV, cellphone, ayaw mag-uniform at nagtago pa ng droga sa im

NANG maupong komisyuner ng Bureau of Customs si Nicanor Faeldon, nakalusot ang bilyun-bilyong halaga ng droga at naibalita ang iba pang katiwalian sa BOC.
Nang maalis sa komisyon si Faeldon dahil sa mga negatibong isyu, marami ang nag-akalang tuluyan na siyang mawawala sa gobyerno.
Pero, nagulat tayo dahil inilipat lang pala siya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bureau of Corrections bilang director-general kapalit ng ngayon ay senador na si Ronald “Bato” dela Rosa.
Nagulantang ang sambayanan sa panibagong iskandalo sa pangangasiwa ni Nicanor Faeldon — ang muntikang pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na convicted sa karumal-dumal na krimen.
Ito ay dahil sa butas ng RA 10592 o itong Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law. Dahil sa ilang mahihinang probisyon nito, ipinanukala natin ang pag-amyenda sa batas upang mabigyang-diin na tanging ang mga nasasailalim lamang sa preventive imprisonment at hindi pa convicted sa kaso ang sakop ng GCTA Law.
Nais nating mabigyang-diin na ang mga kriminal na tulad ni Sanchez, ang heinous criminals ay walang puwang sa ganitong benepisyo ng batas.
Liban sa pagiging rapist-murderer, may mga napatay pa si Sanchez at habang nasa bilangguan, nagawa pa niyang makapagpuslit ng droga.
Hindi rin siya sumusunod sa protocol sa pagsusuot ng uniporme at lumalabag sa mga ipinatutupad na batas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ): Bawal ang TV, pero may sarili siyang telebisyon sa selda; bawal ang cellphone, pero nakakapag-cellphone sa selda at sa mga bagay na ito — hindi siya pasok sa GCTA dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga batas na itinatakda sa mga preso.
May lapses ba ang RA 10592? Palagay natin, may lapses dahil paano mapalalabas ang heinous criminal dahil lang pinagbasehan ang nilalaman ng GCTA Law? Paano natin masasabing pasok sa good conduct si Sanchez, gayung napakarami niyang ginagawang sablay sa kulungan?
Lumalabas pa sa mga balitang malinis daw ang rekord ni Sanchez habang nakakulong —paanong naging malinis ang pagtatago ng droga sa loob ng imahen ng santo?
Paano naging malinis ang violations?
Hinggil sa dapat mangyari kay Faeldon dahil sa sunud-sunod na kapalpakan sa paghawak ng mga posisyon sa gobyerno, wala tayo sa posisyon na magsalita tungkol dito.
Tanging ang Pangulong Rodrigo Duterte lang ang magpapasya o makapagsasabi kung dapat pa bang bigyan ng isang pagkakataon si Faeldon o tuluyan na lang itong huwag bigyan ng anumang puwesto sa gobyerno.





Comments