Oftana, Kwekuteye at Tankoua unbeaten pa rin sa red lions

WINALIS ng defending champion San Beda University ang unang round ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) matapos nilang talunin ang Mapua University, 69-60, sa Cuneta Astrodome Biyernes ng hapon. Ito na ang ika-siyam na sunod na tagumpay ng Red Lions na kinailangan ang husay nina Calvin Oftana, James Canlas Kwekuteye at Donald Tankoua upang ihinto ang tatlong sunod-sunod na tagumpay ng Cardinals na bumagsak sa 3-6.
Uminit sa tamang panahon si Oftana at ibinuhos ang 10 sa kanyang 24 puntos sa huling quarter kung saan tuluyang lumayo ang San Beda. Malaking tulong sa Kwekuteye na may lima sa kanyang 10 puntos sa parehong quarter habang nagtapos na may 10 puntos din sa Tankoua.
Samantala, winakasan ng Colegio de San Juan de Letran na positibo ang unang round nang biguin nila ang College of Saint Benilde, 88-64. Umangat ang Knights sa 6-3 at pinantayan ang kartada ng Lyceum University para sa 2nd place habang ito na ang ikatlong talo ng Blazers sa huling apat na laro.
Nanguna para sa Knights si Jerrick Balanza na may 26 puntos, 16 sa unang half at hindi na nila pinaporma ang Blazers. Nag-ambag ng 10 puntos si Edson Batiller. Sa Juniors Division, pinadapa ng Red Cubs ang defending champion Red Robins, 77-66, upang manatili sa tuktok ng standing na may 8-1 panalo-talo. Ang ikalawang round ng elimination ng Seniors at Juniors ay magsisimula agad sa Martes.





Comments