top of page
WINNER - DEREK- ‘DI AKO NAGDA-DRIVE NG CAR NA MAY FAKE PLATES_IG _ramseyderek07.jpeg

Lakas at bangis ng UP tatapatan ng UST

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 7, 2019
  • 2 min read

NAKATAKDANG pag-agawan ng University of the Philippines at ng University of Santo Tomas ang maagang pangingibabaw sa kanilang tapatan sa tampok na laro ngayong hapon sa men’s division ng UAAP Season ’82 Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.

Magsisimula ang sagupaan ng first day winners Fighting Maroons at Growling Tigers ng 4 p.m. pagkatapos ng unang salpukan sa pagitan ng Adamson University at National University ng 2 p.m.

Nanaig ang UP noong Miyerkules kontra sa Far Eastern University, 61-55 habang iginupo ng UST ang UE, 95-82. Tiyak ng mas magiging dikdikan ang laban sa pagitan ng dalawang koponan sa pag-uunahan nilang magkamit ng ikalawang sunod na panalo na mag-aangat sa kanila sa solong liderato.

Kahit wala pa ring katiyakan kung makakalaro na si Kobe Paras na may iniindang ankle sprain, matibay pa rin ang puwersa ng Maroons na pamumunuan muli ni reigning MVP Bright Akhuettie kabalikat sina ang magkapatid na Juan at Javi Gomez de Liaño, Jun Manzo at ang bagong recruit na si Richie Rivero.

Sa kabilang dako, ‘di naman papakabog ang pinalakas ding roster ng UST gaya ng ipinakita nila sa laban kontra UE sa pamumuno nina Rhenz Abando, Mark Nonoy, ang nagbabalik na si CJ Cansino, Brent Paraiso, Renzo Subido at Beninese big man na si Soulemane Chabi Yo.

Sa unang laro, sisikapin ng Adamson na makabangon mula sa 52-70 na pagkatalo na kanilang natamo sa kamay ng defending champion Ateneo sa pagharap nito sa ngayon pa lamang sasabak na National University.

Pipilitin ng Falcons na tumayo mula sa naturang pagkabigo sa pamumuno nina Jerrick Ahanmisi, ang bagong recruit na si Valandre Chauca, Aaron Fermin, Jerom Lastimosa at big man Lenda Douanga.

Gayunman, tiyak na ’di sila basta na lang papahintulutan nina Shaun at Dave Ildefonso, Issa Gaye, Chino Mosqueda at John Lloyd Clemente dahil hangad din nilang mabigyan ng unang panalo ang Bulldogs.

Samantala, magsasagupa sa pagpapatuloy ng aksiyon sa women’s division ang Adamson Lady Falcons at defending champion NU Lady Bulldogs at ang UP Lady Maroons at UST Tigresses sa double header na uumpisahan ng 8:00 at 10:00 a.m. ayon sa pagkakasunod. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page