UST, ginulat ang nazareth sa UAAP boy’s volleyball


NASORPRESA ng University of Santo Tomas ang defending champion Nazareth School of National University, 25-20, 25-27, 15-25, 25-22, 15-12, sa pagbubukas kahapon ng UAAP Season ‘82 Boys’ Volleyball tournament sa Paco Arena.
Mula sa patas na iskor na 8-all sa decider, nagtala ang Junior Tiger Spikers ng limang sunod na puntos upang umangat sa iskor na 13-8. Hindi na nakaporma pa ang Bullpups mula roon hanggang sa makopo ng Junior Tiger Spikers ang panalo. “Morale-boosting talaga itong panalo though siyempre may hinahanap pa rin kaming consistency sa mga bata pero given na marami kaming bago, medyo understandable pa (this first game),” pahayag ni UST assistant coach John Abella. Nanguna si Rey De Vega sa naturang panalo sa iniskor nitong 29 puntos, mula sa 22 attacks, 3 blocks at 4 na service aces. Tumapos si Michael Buddin na topscorer sa nabigong NU sa ipinoste nitong 16 puntos.
Sa iba pang mga laro, nanaig ang FEU-Diliman kontra Adamson University, 23-25, 25-15, 25-22, 25-23, habang pinadapa ng UE, 25-22, 25-18, 25-18 ang Ateneo. Nagposte sina Jerold Talisayan at Rans Cajolo ng tig-15 puntos upang pamunuan ang Baby Tamaraws habang nauwi sa wala ang itinala ni Evander Novilla na game high 18 puntos para sa Baby Falcons. Namuno si JP Mangahis para sa Junior Warriors sa itinalang 12 puntos. (VA)





Comments