P-Digong, binabastos na ng mga tauhan, Faeldon nasampolan

UNTI-UNTI nang nararamdaman ang pagiging “lame duck president” ni P- Digong.
Maraming aksiyon at desisyon ang kanyang mga tauhan na hindi iginagalang ang Malacañang!
◘◘◘
ISANG magandang senyales ang naganap sa BuCor upang mamulat si P-Digong at maging maingat.
Ibig sabihin, dedma lang kay P-Digong ang kanyang mga amuyong — kumikilos at nagdedesisyon ang mga ito — nang walang respeto sa highest authority!
◘◘◘
MAGANDA at epektibo ang ginawang intervention ni P-Digong sa BuCor scam.
Marami pang ganyan sa iba’t ibang ahensiya at kagawaran.
Kumbaga sa “lolo” na uugud-ugod, dinededma na siya ng kanyang mga anak at hindi isinasali sa mga desisyon at diskarte!
◘◘◘
ANG katumbas ng “lame duck” ay hindi epektibo o hindi matagumpay.
Ikinukumpara ito sa “pipilaypilay” na pato o itik na wala nang silbi bilang lider, hindi na siya pinapansin dahil “mahina na ang pisikal!
◘◘◘
DAPAT ipakita ni P-Digong na siya pa rin ang aktuwal na pangulo.
Hindi dapat lumitaw na ang nagpapatakbo ng Malacañang ay ang kanyang mga tauhan!
◘◘◘
KARANIWANG nararanasan ang syndrome ng “lame duck president” kapag malapit nang matapos ang termino.
Hindi na pinapansin o dedma na sa “lame duck president” ang kanyang mga tauhan dahil alam nilang malapit nang malipasan ng kapangyarihan ang kanilang “tunay na amo”!
◘◘◘
SA mabilis na aksiyon at desisyon ni P-Digong kaugnay sa pagpapalaya
sa mga pusakal na kriminal sa BuCor, ipinadarama ng pangulo na siya pa rin
ang tanging “awtoridad” sa bansa.
Mas mainam ay kung mapapatunayan ng Malacañang na sinusunod at pinaniniwalaan si P-Digong ng kanyang mga ayudante!
◘◘◘
NASASABAY ang insidenteng ito sa panukalang magkaroon ng reserbang “pangulo ng Republika”.
Ito ay mahalaga sa panahon ng emergency kung saan hindi agad maipatutupad ang probisyon ng Konstitusyon kaugnay ng successor!
◘◘◘
MAHALAGA ang “reserbang Punong Ehekutibo” upang hindi
madiskaril ang operasyon ng gobyerno sa gitna ng atake ng mga terorista.
Sa Pilipinas, mahalaga ang “reserbang lider” upang hindi madiskaril ang operasyon ng gobyerno laban sa pusakal na mandarambong sa pamahalaan!
◘◘◘
HABANG nalalapit ang pagtatapos ng termino ni P-Digong, dapat maging
mulat ang Malacañang kontra sa mga ayudanteng inaagaw ang kapangyarihan
sa Punong Ehekutibo.
Ibig sabihin, ang kalaban mismo ng “lame duck president” ay ang sarili niyang “ayudante o amuyong”.
Nagpapaalala lang naman tayo, pabor kay P-Digong at sa ating Republika!





Comments