Mga presong pinalaya ni Faeldon, balik sa droga

Hindi pa man tapos ang isyu ng Good Conduct Time Allowance (GCTA), nadaragdagan pa ngayon ang problemang kinahaharap ng mga awtoridad.
Matapos palayain ang halos 2,000 inmates dahil sa GCTA, kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may mga natatanggap silang ulat na ilan sa mga ito ang bumalik sa kanilang iligal na gawain kung saan sa pahayag ni PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde, partikular ito sa mga nasangkot sa iligal na droga.
Dagdag pa niya, sakaling masangkot ang iba sa krimen, muli itong dadamputin at kakasuhan.
Matatandaang, kabilang sa mga lumaya ang 797 napan ng kasong pagpatay, 758 sa rape, 274 sa pagnanakaw, 48 sa kasong may kinalaman sa iligal na droga, 29 sa parricide, lima sa kidnapping with illegal detention at tatlo sa arson.
Ang tanong ng taumbayan, kung talagang nagpakabait ang mga nakalayang ito, bakit tila back-to-normal ang ilan?
Pakitang-tao lang ba ang pagpapakabait sa selda para makalaya at muling makagawa ng iligal, makapatay, manggahasa o manakit?
Samantala, nagbigay si Pangulong Rodrigo Duterte ng 15 araw para sumuko ang natitirang 1,700 convicts na nakalaya kasabay ng pagbibigay nito ng P1 milyong pabuya sa bawat ulo.
Dagdag pa nito, sa halip na mapatay, mas mabuti umanong sumuko na lang sa pulis o militar ang mga lumayang preso.
Sabi nila, hindi pa huli ang lahat para bigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga ito para magbago, pero hirit ng pamilya ng mga biktima, hindi ito karapat-dapat ibigay sa kanila hangga’t hindi nila napagsisilbihan ang kanilang sentensiya.
Sa totoo lang, kung pakitang-tao lang ang kabaitan ng mga ito, dapat silang ibalik sa kulungan dahil kung ngayon pa lang ay may ulat nang nagbalik sa iligal na gawain ang ilan, hindi malabo na tumulad dito ang ilang nakalaya na.
Kaya ang panawagan sa mga kinauukulan, higpitan ang paghahanap sa mga ito at para sa mga nakalayang preso, huwag nang magmatigas.
‘Ika nga, pagbayaran ang kasalanan at huwag takasan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments