Faraon at raga, pasok sa world 9-ball China

NAKALUSOT sa qualifying stage sina Raymond Faraon at Anthony Raga upang samahan sina Carlo Biado at Johann Chua sa pagdadala ng tatlong kulay ng Pilipinas sa main stage ng World 9-Ball China Open 2019 sa Pudong Tangzhen Culture & Sports Center ng Shanghai, China.
Nagposte si Faraon ng limang sunod na panalo para makahakbang sa susunod na yugto ng kompetisyong magkakaloob ng $40,000 sa magkakampeon sa kalalakihan at kabuuang $208,000 para sa mga papasok sa winners’ circle.
Biniktima ng Pinoy sina Xu Xiaocong (China, 9-7), Wu Kun Lin (Taiwan, 9-6), Chang Chih Yang (Taiwan, 9-7), Michael Feliciano (Philippines, 9-6) at Aung Moe Thursday (Burma, 9-2).
Sa kabilang dako, pagkatapos ng opening round bye, naungusan ni Raga sina Shen Shenyi (China, 9-2), Liu Yexu (China, 9-4) at Thorsten Hohmann (Germany, 9-4) bago nakatikim ng dobleng blackeye sa kamay ng mga Pinoy ang Intsik na si Xiacong dahil dinaig din siya ni Raga sa iskor na 9-1.
Samantala, hindi dumaan sa elimination round sina Biado at Chua dahil sa mataas na world rankings na naghahangad na makakuha ng premyong $373,000.
Makikipagtagisan ng galing si Biado sa Group F kung saan may double elimination na format habang si Chua ay sa Group A.
Si Raga ay nakapuwesto sa Group B habang sa Group E si Faraon. Sa kababaihan, nakasalang sa main draw sina Rubilen Amit at Chezka Centeno para sa Group B at F.





Comments