6 Vietnamese, ibinubugaw ng 2 Chinese.. Condo na sex den, buking
- Gina Pleñago
- Sep 6, 2019
- 2 min read

NAILIGTAS ng mga awtoridad ang anim na kababaihang Vietnamese na umano’y ginawang prostitutes mula sa dalawang bugaw na babaeng Chinese sa isinagawang entrapment operation sa isang condominium sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni NCRPO Director Police Major General Guillermo Eleazar ang mga biktimang sina Nguyen Thi Thuy Trang, Nguyen Thi Truc Ly, Vo Thi Ngoc Tu, Nguyen Thi Diem Phoung, Nguyen Thi Trang at Nguyen Thi Tham, pawang mga nasa hustong gulang.
Nakapiit sa Makati City Police ang dalawang suspek na sina Kuang Meiting, 29, at Li Xuemei, 33, kapwa Chinese.
Alas-9:45 ng gabi nang ma-rescue ang mga biktima at nahuli naman ang mga suspek sa ilang units sa isang condominium sa Bgy. San Antonio Village, Makati City.
Pawang mga nakatalukbong ng puting tuwalya ang mga biktima at suspek nang dalhin ang mga ito sa tanggapan ng NCRPO.
Batay sa imbestigasyon, sa pamamagitan ng social media at messaging isinasagawa ang pambubugaw sa mga ito.
Kung saan ipinamimigay sa mga Chinese na nagtatrabaho sa POGO ang mga promotional card na may QR code at kapag ini-scan ay makakasali na sa group chat at dito makikita ang mga babaeng inaalok.
Napag-alaman na ginagawang show-up room ang condo unit at may tatlo pang maaaring upahan ng parukyano para umano sa pakikipagtalik.
Umaabot sa P9,500 ang ibinabayad ng kada kostumer sa isang babae at ang renta naman ay nasa P4,500.
Pumasok umano sa bansa ang mga Vietnamese bilang turista ngunit, ang pakay talaga nila ay magtrabaho sa pamamagitan ng prustitusyon.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa condominium ang laptop, mga cellphone at sangkatutak na promotional cards at condoms.
Pansamantalang ilalagay sa Department of Social Welfare Development (DSWD) ang anim na biktima habang ang dalawang suspek ay sasampahan ng kaukulang kaso.





Comments